Dala ng sobrang kahirapan kaya hindi maka­bili ng gamot sa sakit na Tuberculosis ang isang pedicab driver na tila ­‘ipinadyak’ ang kanyang huling hininga sa madi­lim na eskinita malapit sa uuwian sana nitong bahay nang doon ito abutan ng kanyang kamatayan sa Lungsod ng Malabon kahapon ng madaling-araw.

Nakitang nakasubsob sa sementadong daanan at naliligo sa kanyang sariling dugo ang pedicab driver.

Sa ulat ng Malabon­ City Police, ganap umanong­ alas-5:30 ng madaling-araw nang matagpuan ng kanyang mga kapitbahay sa eskinita, ilang hakbang lamang ang layo sa bahay nito ang wala nang buhay­ na si Conrado Angcon, 37, binata, pedicab driver ng Block 7, Phase III, Barangay­ Longos ng nasa­bing lungsod.

Agad na humingi ng saklolo ang mga residente sa lugar sa mga awtori­dad at sa pagsisiyasat ng Scene Of the Crime Ope­ratives (SOCO), bagama’t puno ng dugo ang biktima ay hindi ito nakitaan ng kahit anong sugat ng tama ng bala o saksak sa kahit anong parte ng katawan.

Napag-alamang nanggaling sa kanyang ilong at bibig ang maraming dugo na kumalat sa eskinita.

Marahil ay nagsuka umano ng dugo ang biktima hanggang sa ina­bot na ng kanyang kamatayan habang papauwi sa kanyang tahanan.

Napag-alaman ding matagal na umanong naghihirap sa dinadanas na sakit na Tubercolosis ang biktima ngunit wala naman itong pera para ipambili ng gamot.

At kahit kinakaila­ngan niya ng pahinga ay patuloy pa rin umano ito sa pagpapadyak ng kanyang tricycle dahil wala naman siyang kakainin kung hindi siya magtatrabaho.