Walang plano ang Commission on Elections (Comelec) na palawigin pa ang itinakdang deadline na Hulyo 30 sa voters’ registration period para sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections sa Oktubre 31.
Ito ang tiniyak ni Comelec Chairman Juan Andres Bautista, kung saan malaki umano ang magiging epekto sa paghahanda sa nasabing eleksyon kung papayagan ang ektensyon ng voters’ registration.
“No extension as it would impact our preparation of the Project of Precincts for the elections,” sabi ni Bautista.
Panawagan pa nito sa mga botante na samantalahin ang nalalabi pang araw para makapagparehistro.
“We still have a few days left and we hope they will not wait for the last minute before heading to their Offices of Election Officers (OEOs),” ayon kay Bautista.
Sa pinakahuling datos ng Comelec, aabot pa lamang sa 1,181,139 aplikante ang natanggap nito mula Hulyo 15 hanggang Hulyo 23.
Samantala, sinabi ni Comelec Spokesman James Jimenez sa mga deactivated voter na maaaring ma-activate ang kanilang registration sa isinasagawang voters registration.