Huling laro ng poker legend

noli-cruz-all-n

Isa sa mga alamat ng World Series of Po­ker (WSOP) ang nagpaalam na sa prestihiyosong poker circuit.

Inanunsyo ni Poker Hall of Fame inductee Doyle Brunson sa kanyang Twitter account na ang $10,000 no-limit 2-7 single draw championship ang huling WSOP event na kanyang sasalihan.

Ang 84-anyos na si Brunson ay isa sa apat na manlalaro na napanalunan ang Main Event ng WSOP ng at least dalawang beses.

Nangyari ito sa magkasunod na taon – 1976 at 1977. Siya ang unang poker player na lumampas sa $1 milyon ang panalo sa career.

Tinapos niya ang kanyang career na may 10 WSOP bracelets. Bukod tanging si Phil Hellmuth lang na may 14 bracelets ang angat sa kanya sa all-time list.

Katabla ni Brunson sa pangalawang puwesto sina Johnny Chan at Phil Ivey.

Pumang-anim si Brunson sa kanyang huling event na nagtapos noong Lunes (Hunyo 11) at nakakuha siya ng premyong $43,963. Nagwagi sa nasabing event si Brian Rast na nakapag-uwi naman ng $259,670 para paakyatin ang career earnings niya sa halos $6 milyon.

Nakuha rin ni Rast ang kanyang ikaapat na bracelet.

Binigyan ng stan­ding ovation si Brunson matapos siyang mapatalsik ni James Alexander at bilang respeto sa poker legend ay nagkaroon ng impromptu break ang limang natitirang manlalaro sa lamesa para magbigay-pugay sa kanya.

Mas naging memorable ang huling WSOP final table ni Brunson dahil nakasama niya sa huling araw ng kompetisyon ang kanyang anak na si Todd.

Isa si Todd sa 11 manlalaro na nakapasok sa final day pero minalas na masibak din agad. Bracelet winner na rin ang nakababatang Doyle at marami pa siyang pagkakataon para masundan ang yapak ng kanyang ama.