Nadilig ng dugo ang kasiyahan ng isang 28-anyos na umano’y user ng iligal na droga nang pagbabarilin ito ng hindi pa kilalang suspek na naka-bonnet habang nagsasayaw kasama ang kaibigang babae sa loob ng isang bahay sa Quezon City, kamakalawa ng gabi.

Ayon kay PO3 Alvin Quisumbing ng Criminal Investigation Detection Unit (CIDU), may hawak ng kaso, nakilala ang biktima na si Champ Idol Reyes ng Steve St., Barangay Commonwealth ng nasabing lungsod.

Mabilis na tumakas ang mga suspek matapos isagawa ang krimen at walang humarang sa mga ito sa takot na pati sila ay madamay sa pamamaril.

Wala rin umanong nag­lakas-loob na magbigay ng impormasyon sa mga awtoridad mula sa mga nagkakasiyahang kasamahan ng biktima na nakasaksi sa krimen.

Sa imbestigasyon, nangyari ang insidente dakong alas-8:30 ng gabi sa loob ng isang bahay sa 744 Martan St., Brgy. Commonwealth.

Lumilitaw na ang biktima kasama ang isang Grace Salapare at ilang kaibigan ay nagsasa­yaw sa loob ng nasabing bahay nang biglang pumasok ang suspek at biglang pinagbabaril ang biktima na agad na ikinamatay nito.

Sa imbestigasyon ni PO3 Quisumbing, napag-alaman na base sa pahayag ng nanay ng biktima, ang kanyang anak ay gumagamit ng iligal na droga at dati na ring nakulong sa Quezon Provincial Jail (QPJ) sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad, habang nagsasagawa narin ng follow-up operation para matukoy at maaresto ang suspek.