Hinablot ng Foton ang huling upuan sa final round matapos pagpagin ang Sta. Lucia, 25-19, 23-25, 25-16, 22-25, 15-11 kahapon sa 2017 Belo-Philippine Superliga (PSL) Invitational Conference sa The Arena, San Juan City.

Dumaan sa butas ng karayom ang Tornadoes bago nirehistro ang mahirap na pangatlong panalo sa limang laban sa pagtatapos ng preliminary round.

Nasikwat ng Foton ang No. 3 habang ranked No. 1 ang Petron na may malinis na limang panalo matapos kaldagin sa unang sultada ang Generika, 25-11, 23-25, 25-18, 25-19.

Sampa sa No. 2 ang Cignal  na may 4-1 card.

Matatapos na lang ang laro sa fifth set ay napila­yan pa si Din Din Santiago-Manabat.

Inilabas si Manabat sa laro kung saan ay abante sila 12-10.

Isang malakas na spike ang kinana ni Manabat, pero pagbagsak ay hindi na nito maigalaw ang binti at halos umiyak sa sakit na nararamdaman.

Makakalaban ng Blaze Spikers, Tornadoes at HD Spikers ang guest team na Kobe Shinwa University ng Japan sa single round robin.

Nagunaw ang asam ng Ayala Lifesavers na makahirit ng laro sa susunod na round dahil sa panalo ng Foton.

Nagdeliber si Molina, isa sa pitong Pinay na su­mabak sa FIVB Women’s Club World Championship noong nakaraang taon, ng 11 kills at block para sa 13 points, habang si Aganon ay may 13 markers para sa Petron.

“I’m glad that we pulled it off,” pahayag ni Petron coach Shaq Delos Santos.

May kartang 2-3 ang Generika makakasama nila ang Lady Realtors (0-5) at Cocolife (1-4) sa Classification Round.