Humabol sa deadline: 2 laya sa GCTA sumuko

Humabol sa deadline ang dalawang preso ng National Bilibid Prison (NBP) na pinalaya sa ilalim ng Good Conduct Time Allowance (GCTA) sa magkahiwalay na presinto sa Cavite.

Si Alvin Babasa, ng Block 126, Lot 12 Mabuhay City Subd., Paliparan 3, Dasmariñas City Cavite ay sumuko dakong alas-otso kamakalawa nang gabi sa Dasmariñas City Police Station kasama ang isang kamag-anak.

Nakulong si Babasa sa kasong paglabag ng Child Abuse at Section 5 ng RA 7610 na inutos ng Regional Trial Court Branch 63, sa Calauag, Quezon at nagsilbi ng walong taon pagkabilanggo hanggang sa pinalaya noong Marso 24, 2017 sa ilalim ng GCTA

Sumuko din sa Naic Police Station si Ronald Albina, 49, ng Block 26 Lot 07 Villa Apolonia Subd., Brgy. Ibayo Silangan, Naic Cavite na nasentensiyahan sa kasong Homicide at 2 counts na Robbery with Force upon things at lumaya noong Hunyo 6, 2017 sa ilalim ng GCTA.

Matatandaan na ipi­nag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang may 1,900 na mga bilanggo sa NBP na nakalaya sa ilalim ng GCTA na sumuko sa loob ng 15 araw na nagtapos dakong alas-12:00 Huwebes nang hatinggabi. (Gene Adsuara)