
Nakahabol ang Ateneo sa huling biyahe sa quarterfinals matapos sipain ang TIP 16-25, 25-16, 25-20, 25-16, sa playoff ng Shakey’s V-League Season 13 Collegiate Conference sa PhilSports Arena sa Pasig kagabi.
“Syempre sobrang happy kasi panalo eh, talagang nagpe-payoff ang mga hardwork namin sa training,” ani Michelle Morente, pinangunahan ng 21 points ang Lady Eagles na umangat sa 1-1 carry over.
Desidido ang Lady Eagles na resbakan ang Lady Engineers matapos silang matalo sa limang sets noong unang magharap.
Inamin ni Morente na naging motivation nila ang makabawi sa TIP para makapasok sa round-robin quarters.
“Kasi first game namin ‘yun as a new team, bago kaming team, it’s a young team so siguro ang pinagkaiba nagkaroon kami ng jitters noon,” paliwanag niya. “Ngayon, dahil doon sa mga past few games namin doon na-gain namin ang confidence namin as a team.”
Nag-ambag si Bea de Leon ng 15 puntos, may 13 si Ana Gopico para sa Ateneo.
Nagbigay ng 62 excellent sets ang beteranong setter na si Jia Morado para sa Lady Eagles.
Tumapos si Alyssa Layug ng 14 puntos para sa TIP at may 12 si guest player Mylene Paat.
Samantala, nakauna ang National University sa round-robin quarterfinals matapos padapain ang University of Santo Tomas 25-21, 29-27, 25-13.
Nagpakawala si Jaja Santiago ng 15 puntos para sa Lady Bulldogs, nag-ambag si Jorelle Singh ng 14 at 11 kay Aiko Urdas.
Dahil sa panalo ng Ateneo ay nagkaroon ng 2-1 win-loss record sa quarters ang NU.
Sinamantala ng NU ang kakulangan sa opensa ng UST dahil absent sina ace spikers EJ Laure at Sisi Rondina na nasa Thailand kasama ng Philippine Superliga team Foton para sa isang torneo bilang paghahanda sa Asian Club Women’s Championship sa Sept.3 -11.