Humahagulgol pa nang magtungo sa himpilan ng pulisya ang isang babae upang ireklamo ang dati niyang ka-live in ng pananakit at panggagahasa sa Lungsod ng Caloocan kahapon ng mada­ling-araw.

Sa ulat ng Caloocan City Police-Women and Children Protection Desk (WCPD) partikular na ni PO2 Vecenacion Diego, ganap umanong alas-5:20 ng madaling-araw nang magtungo sa bahay ng kanyang dating kinakasamang si Sanoy Opisa, 28, walang hanap-buhay at residente ng Azucena Street, Barangay 175 ng nasabing lungsod ang biktima na itinago sa pa­ngalang Gemma, 28, upang humingi sana ng sustento para sa kanilang naging mga anak noong sila ay nagsasama pa.

Ngunit sa halip na bigyan ng pera para sa kanilang mga anak ay walang anu-anong pinitserahan umano ng suspek ang biktima saka tinutukan ng ice pick at pwersahang hinubaran at tuluyang ginahasa.

Nagtangka pa uma­nong manlaban ng biktima kahit pa nakatutok sa kanya ang ice pick ngunit sinusuntok siya ng suspek sa tuwing pumapalag.

Matapos ang pagsasamantala, agad ding pinauwi ng suspek ang biktima nang walang nakuhang kahit ano panggastos ng kanilang mga anak.

Mabilis namang humi­ngi ng saklolo sa himpilan ng Caloocan City Police Community Precinct IV ang biktima na nauwi sa agarang pagkakaresto ng suspek.

Sa ngayon, nasa kustodiya na ng Caloocan City Police detention cell ang dating kinakasama ng biktima na nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9262 o Violence Against Women and Children Act (VAWC) at RA 8353 o Anti-Rape Law.