Hunk actor dyowa ng kontrobersyal na beki

tonite-no-thanks-cristy-ferminPATIKIM NA BLIND ITEM:

Sa isang maliit na umpukan ng mga kababayan na­ting propesyonal ay na­ging mainit na paksa ang isang hunk actor na natuklasan nilang karelasyon pala ng isang kontrobersiyal na becki.

Kung sinu-sinong lalaking personalidad ang napagdududahang karelasyon ng kontro­bersiyal na becki, pero ang sagot pala ay nasa tungki lang ng kanilang mga ilong, sa hunk actor nga kaya napunta ang malaking halagang kailangang pagbayaran ng becki?

Maliit na grupo pa lang ang nagpipista sa nahukay nilang lihim, pero sa pagdaraan ng mga araw ay siguradong sisingaw na rin ang kuwento, sa pagkakataong ‘yun ay baka nga pangalanan na ang hunk actor at ang karelasyon niyang kontrobersiyal na becki.

Abangan!

***

Bakit kaya ayaw mamatay-matay ng kuwentong hiwalay na ang isang kilalang showbiz couple? Sa kuwentong unang lumabas ay nag-alsa-balutan na ang female personality at umuwi na sa bahay ng kanyang mga magulang.

May sariling bahay sila ng kanyang mister, nang ikasal sila’y naihanda na ‘yun ng lalaki, pero ano kaya ang tunay na dahilan ng kanilang hiwalayan kung kapani-paniwala ang lumabas na balita?

Sabi ng isang source, “Parang oo na parang hindi ang kuwento. Mas naniniwala kami na meron lang silang misunderstanding, kaya umuwi ang girl sa bahay ng pa­rents niya.

“Baka naman bumalik din agad ang girl sa bahay nila ng husband niya. Pero kung ang itsura ng girl ang pagbabasihan ng kuwento, e, marami ngang maniniwala na nagkahiwalay sila.

“Nawalan kasi ng luster ang itsura ng babae, parang problemado siya, parang meron nga siyang pinagdadaanan. Third party kaya ang reason ng hiwalayan nila?” tanong-opinyon ng a­ming source.

Isa pang kuwento ito na aabangan!

Jinggoy umiwas na masapawan si Bong

Sa pagbasa ng promulgasyon tungkol sa kasong plunder ni dating Senador Bong Revilla ay nandu’n ang kanyang kaibigang karnal na si former Senator Jinggoy Estrada.

Matagal nang nakakalendaryo kay dating Senador Jinggoy ang petsang December 7, ang pinakahihintay na araw ng mga nagmamahal kay Senador Bong, guilty or not guilty ay kailangang nandu’n siya.

Not guilty! ‘Yun ang binasang hatol sa kanyang kaibigan sa kasong plunder. Napapitlag si Senador Jinggoy. Masa­yang-masaya siya para sa kanyang kaibigan.

Alam ni Senador Jinggoy kung saan siya lulugar. Maraming nag­lapitang news repor­ters sa kanya para humingi ng reaksiyon sa not guilty verdict sa kanyang kaibigan pero hanggang makaiiwas siya ay pilit niyang ginawa.

Oras nga naman ‘yun ni Senador Bong, kumbaga sa pelikula ay moment ‘yun ng kanyang kaibigan, kaya kusa siyang nagbigay-daan.

Napakamarespetong galaw.

Alam niya ang kanyang posisyon. Nandu’n lang siya para magbigay ng suportang moral sa matalik niyang kaibigan. Kung dudukutin ang puso ngayon ni Senador Jinggoy ay lalantad ang kanyang kaligayahan sa tuluyan nang paglaya ni Senador Bong.

Sa pagdalaw niya sa malalayong probinsiya at tinatanong siya ng mga local reporters kung ano ang wish niya ngayong Pasko ay ang paglaya ng kanyang kaibigan ang kanyang sagot.

Kahit nu’ng nakaraan niyang kaa­rawan nu’ng Pebrero, kapag tinatanong siya kung ano ang kanyang birthday wish ay ang paglaya pa rin ni Senador Bong ang kanyang itinutugon, alam na alam niya ang damdamin ng isang taong pinagdadamutan ng kalayaan dahil dalawang beses na niyang pinagdaanan ang ganu’ng senaryo.

Mula nu’n hanggang ngayon ay walang nagbago sa kanilang samahan. Mas tumibay pa ang kanilang pagkakaibigan nang magkasama sila nang ilang taon sa PNP Custodial Center.

Bibihira na ang ganu’ng klase ng pagkakaibigan ngayon. Mabibilang na lang sa ating mga daliri.