tonite-no-thanks-cristy-fermin

Malikot ang utak ng ibang becki. Kapag napapanood nila at nakikita ang mga retrato ng isang hunk actor ay hinihila sila pabalik sa nakaraan.

May kuwento agad sila tungkol sa kahihinatnan ng hunk actor, hindi raw siya mahihiwalay sa na­ging takbo ng imahe ng kanyang kaanak, du’n din daw siya patungo.

Maganda ang katawan ng male persona­lity, maraming kababaihan at sangkabaklaan ang itinuturing siyang ulam kaya kanin na lang ang kailangan, guwapo pa siya sa totoo lang.

Sa isang malaking umpukan ay hinusgahan na ng mga nandu’n ang kauuwian ng guwapong hunk actor, ang komento ng isang miron, “Naku, siguradong magiging junior lang siya ng kadugo niya! Ganyang-ganyan din nu’n si ____(pa­ngalan ng kadugo niyang personalidad), nagpapa-sexy, pero ano ang nangyari?

“Umaarte pa rin siya, pero iginarahe agad siya ng isang milyonaryong becki! Ipinag-produce siya ng mga pelikula, pero parang inangkin na siya!” komento ng aming impormante.

Ang kapalaran ng kanyang kadugo ay puwedeng maiba sa kanyang kahihinatnan. Seyoso ang hunk actor na may mapatunayan, gusto niyang makilala ang husay niya sa pag-arte, iba siya.

Komento ng isa pa sa umpukan, “Sana nga, dahil sayang siya. Iba ang dating niya, may charisma siyang wala sa kaanak niya!”

Harinawa.

Inuuwing babae ni Piolo ibinuking ng alalay

Nalalagay ngayon sa alanganing sitwasyon si Moi Bein, dating PA ni Piolo Pascual, sa kanyang rebelasyon na nakikita niya ang mga babaeng dinadala sa bahay ng kanyang da­ting boss.

Komento ng marami ay hindi na lang daw sana nagsabi ng ganu’n si Moi dahil sa guwapong aktor nauwi ang paghusga sa kanyang sinabi.

Malupit ang dila ng ibang bashers, binalikan nila ang matinding paghagulgol ni KC Concepcion nang maghiwalay sila ni Piolo Pascual, gusto nilang pagbuhulin ang dila nina Piolo at Moi.

Sana raw ay ang pandidiri na lang ni Piolo sa kanya kapag hinaharot niya ang aktor ang kanyang sinabi, hindi na lang daw sana niya sinagot ang tanong kung sinu-sinong babae ang dinadala ni Piolo sa kanyang bahay.

Ang mga kababayan pa naman natin, matagal silang makalimot, hanggang ngayon ay binubuhay pa rin ang paghagulgol ni KC on national television dahil sa diumano’y natuklasan nito.

Pero hindi rin natin masisisi si Moi, kapag ganu’ng interbyuhan ay talagang paluluwain siya ng mga nagtatanong, tulad ng nangyari nang masukol siya ng mga reporters.

Wala rin siguro sa isip ni Moi na pagtataasan ng kilay ng mas nakararami ang kanyang sinabi, malay naman ni Moi kung ano ang kahihinatnan ng kanyang paglalantad na may mga iniuuwing babae si Piolo sa bahay, wala siyang ganu’ng iniisip habang iniinterbyu siya.

Reaksiyonaryo ang publiko. Kahit ano ay hahanapan nila ng butas. Pilit na palalabasing hindi naman babae ang pinapupunta ni Piolo sa kanyang bahay.

Pero sa tagal na ng panahong pinagdududahan ang gender ng guwapong aktor ay hindi na rin siguro nakakaapekto sa kanya ang mga ganitong isyu.

Ngayon pa ba? Kapatid ng aktor ang kasama nito sa retrato, pero pinalalabas na boyfriend daw, maiinis pa ba at poproblemahin ni Piolo ang rebelasyon ni Moi?

Care bears na lang ngayon si Piolo sa ganu’n. Ma at pa!