Hunk actor, mabaho

ABANTE-actor-stinky

tonite-no-thanks-cristy-ferminSIGARILYO at ma­lakas na pag-inom ng alak. ‘Yun ang pinagpistahang paksa sa isang umpukan isang gabi na itinuturong dahilan kung bakit hindi kagandahan ang amoy ng katawan at hininga ng isang hunk actor.

Sayang, sabi ng mga miron sa umpukan, guwapo pa naman siya pero hindi siya maru­nong mag-alaga ng kanyang katawan.

Kuwento ng isang miron, “Ewan kung nababasa niya ang mga blind items tungkol sa kanya. Paulit-ulit na ‘yun, siya ang subject palagi kapag kawalan ng panahon para sa hygiene niya ang usapan, pero parang wala naman siyang pakialam!

“Kumikita naman siya nang malaki, ka­yang-kaya niya namang bumili ng mga stuff na puwedeng magbigay ng solution sa palaging napapansin sa kanya ng marami, pero parang deadma lang naman siya!

“Kaguwapo pa naman niya, maganda rin ang katawan niya, ano pa ba ang kulang? Wala na!” simulang kuwento ng isang miron.

Sabi naman ng mga nandu’n ay malakas daw kasing magyosi ang hunk actor, parang pugon daw ang kanyang bibig, hindi niya kayang iwasan ang paninigarilyo.

“E, ang lakas-lakas din niyang uminom! Parang imbudo ang lalamunan niya sa pagnonomo-nomo, hindi nga lang siya basagulero kapag nakakamamam na!

“Tahimik lang siya, pero kaya niyang patimbuwangin ang mga kasabayan niya sa pag-­inom, matindi siya! ‘Yung pagmamam-mamam niya at pagyoyosi ang ­sinasabi ng iba na reason kung bakit hindi siya mabango.

“Pero bakit naman ang ibang artista, mala­lakas din silang magyosi at uminom, pero hindi naman sila bad breath at amoy mabango naman sila? Ang totoo, e, takot siya sa tubig!
“Hindi siya mahilig maligo, spray lang siya nang spray ng perfume! ‘Yun ang dahilan kung bakit hindi siya iniiwanan ng ubo at sipon, kulang siya sa goli!” madiin pang kuwento ng isang miron sa umpukan.

Ay, ang dami-dami niyang kapangalang artista at pulitiko, sa totoo lang!

***

Kababawan ni Rowell lumalim na

MARAMING sala­mat kay Coco Martin at sa ‘Ang Probinsyano’, naipakita ng serye ang husay sa pag-arte ni Rowell Santiago, ang gumaganap na presidente sa serye na ngayon ay nasa pagkandili na ng Vendetta na pinamumunuan ni ­Ricardo Dalisay.

Matagal na panahon nang hindi umaarte si Rowell na padirek-direk na lang ng mga concerts ngayon, pero sa ‘Ang Probinsyano’ ay naipa­kita niya na hindi sa­yang ang pagkakataong tanggapin ang role sa matagumpay na serye, pinapalakpakan ng ating mga kababa­yan ang pagganap ni ­Rowell.

Hindi na kailangan ng mahiwagang pampatak sa mga mata ni Ro­well para makaiyak, tuhog ang kuha ng eksena, sa umpisa pa lang ay namumula-nangingilid na ang kanyang luha at saka masaganang papatak sa isang iglap.

Malayung-malayo ang pag-arteng ipinakikita niya ngayon sa ‘Ang Probinsyano’ sa mga pelikulang pinagtambalan nila nina Pops Fernandez at Sharon Cuneta.

Mga bagets pa sila nu’n, may kababawan pa ang kanilang pagganap, pero ngayon ay hinog na hinog na ang talento ni Rowell Santiago na napapanood natin sa ­seryeng pinagbibidahan ni Coco Martin.

At dahil napakaga­ling ng pagtatawid ni Rowell sa kanyang role bilang pangulong ipinapapatay ng kanyang mga kalaban sa pulitika ay lalong nagalit ang taumbayan kay Edu Manzano.

Ito naman ang gumaganap bilang bise-presidenteng hayok sa kapangyarihan, ang galing-galing na kontrabida ni Edu na kinakambalan pa ng kahayupan ni John Ariclla, na matakaw rin sa posisyon sa gobyerno.

Hay, naku! Halatang-halata bang kaya kami galit na galit sa matinding traffic ay dahil baka hindi namin maabutan ang mga makapigil-hiningang eksena sa ‘Ang Probinsyano’?
Ha! Ha! Ha! Ha!