Madalas palang magbakasyon sa isang probinsiyang may kalapitan lang sa Manila ang isang kilalang hunk actor. Isang kaibigan-dating kaklase sa high school ang pinupuntahan niya du’n.
Mula sa isang mayamang angkan ang kanyang kaibigan, may matipunong katawan na katulad din ng kilalang hunk actor.
Parang miyembro na siya ng pamilyang pinupuntahan niya, sir na rin ang tawag sa kanya ng mga kasambahay, dahil walang pinipiling panahon ang pagdagting niya sa lugar.
Kuwento ng isang source, “Matagal na matagal na silang magkaibigan nu’ng dinadalaw niyan sa farm. Kapag wala siyang trabaho, du’n mo lang siya makikita. Wala siyang ibang pinagbabakasyunan, du’n lang talaga.
“May sariling office sa Manila ang guy, yayamanin sila, kapag nasa Manila silang pareho, e, either siya ang nasa condo unit nu’ng lalaki o sa kanya nag-i-stay.
“Ganu’n katindi ang bonding nila, pero huwag n’yong pag-iisipan ng kakaiba ang friendship nila, ha? Naku, magagalit ang hunk actor, bibirahin niya kayo sa social media!
“Napakapatola pa naman ng taong ‘yun, wala siyang takot mag-post ng kung anu-ano, kahit ang mga politicians nga, e, binibira niya sa social media, di ba naman?” umpisang kuwento ng aming impormante.
Madalas silang magkasama ng rich guy sa farm, malawak ang propyedad ng pamilya sa nasabing probinsiya, kaya may paminsan-minsang trip din ang hunk actor na isa siyang magsasaka.
“Pero magkaibigan lang sila, ha? Huwag n’yong kukulayan ang relasyon nila bilang magkaibigan! Magagalit ang hunk actor, sasabihin niya na naman na napakasama ng isip ng maraming tao d’yan!
“Wala raw siyang kailangang patunayan, lalaking-lalaki raw siya, ‘yun lang! E, di sige, lalaking-lalaki na nga siya! E, di sige, magkaibigan lang sila ang rich guy na mas gusto niyang kasama kesa sa napapabalitang girlfriend niyang female personality!” nakataas ang kilay sa tenth floor na pagtatapos ng aming source.
Ha! Ha! Ha! Ha!
***
Coco reregaluhan ng isang truck na bigas
Walang pakialam ang mga tagahanga ni Coco Martin kung totoo ngang nanganak na si Julia Montes at siya ang ama. Ang tanong lang ng mga nakausap naming tagasuporta ng aktor nu’ng Mahal Na Araw ay kung tatapusin na nga ba ang FPJ’s Ang Probinsiyano kaya pinatay na ang kanyang mga kalaban.
Hindi naman lahat nakakaalam na kailangan nang patayin sina Edu Manzano, Lito Lapid, Jhong Hilario at Mark Lapid dahil may inaasinta silang posisyon sa pamahalaan.
Nakikiusap ang mga nakausap naming magsasaka na sana’y huwag munang mawala sa himpapawid ang Ang Probinsiyano. ‘Yun kasi ang pambanlaw nila sa maghapong pagtatrabaho sa bukid, ang pang-alis nila ng pagod at stress, ang tanging libangan nila sa gabi pagkatapos ng kanilang pagsasaka.
Nakakatawa nga ang kuwento ng isang pinsan naming tagasuporta rin ni Coco Martin, ang kanyang sabi, “Kapag dumalaw si Coco dito sa baryo natin, e, kailangan niyang magdala ng truck.
“Usap-usapan kasi siya sa bukid, kapag nagpunta raw siya dito sa atin, e, bibigyan nila ng bagong aning bigas ang idol nila! E, ilan ang magbibigay sa kanya ng bigas dito?
“Kaya truck ang kailangan niyang dalhin para maiuwi niya ang mga regalong kinaban na bigas sa kanya ng mga tagahanga niya dito!” kuwento ni Kap Jojo.
Kung kakandidatong senador daw si Coco ay hindi na niya kailangang manganpanya. Tapos na agad ang halalan, number one na siya, dahil sa sobrang paghanga ng mga kababayan natin kay Ricardo Dalisay.
Ibang klase ang karisma sa publiko ni Coco Martin. Lampas-lampasan pa sa kanyang mga pinapangarap ang ibinigay na regalo sa kanya ang kapalaran. Napakasuwerteng nilalang.