WINDANG na windang ang aming source tungkol sa mga kuwentong narinig nito na kunektado sa isang hunk actor na hindi man kagalingang umarte ay magaling namang pumaraan para sa kanyang kabuhayan showcase.
Magmamano pala sa hunk actor ang maraming male personalities d’yan na nagmamadali sa buhay. ‘Yung mga kalalakihang ayaw magpagod, ‘yung gusto agad makita ang mga pinapangarap nila nang walang kahirap-hirap, kailangan nilang mag-seminar sa hunk actor na ito.
Kuwento ng isang source sa umpukan, “Matagal na siyang ganyan. Marami na siyang karanasan. Maparaan talaga siya. Nakakaya niyang paikutin ang mga sponsor na nakakarelasyon niya.
“Mukha kasi siyang mabait, parang hindi siya marunong magpaikot, pero kabaligtaran ‘yun ng mga pinaggagagawa niya!” unang kuwento ng aming impormante.
Puwede pala kahit saan at kanino ang hunk actor na ito. Puwede siya sa matrona, welcome din sa kanya ang becki, puwede rin siyang makipagrelasyon sa kaedad niya.
Patuloy ng aming source, “Alam n’yo bang hindi pinatawad ng hunk actor na ‘yun pati ang isang pari? Yes, pari nga, hindi kayo nagkakamali ng dinig!
“Maraming nagkaka-type sa kanya nu’n sa shooting ng isang project niya na kinunan sa isang malayong probinsiya, pero ang nagwagi sa kanila, e, isang pari!
“Nakakaloka siya! Strike everywhere siya! Sanay na sanay na talaga siya!” napakadiing sabi ng source.
Awang-awa ang magkakaumpukan sa pinakahuling balon ng biyaya na pinagkukunan ng hunk actor. Kayang-kaya raw itong paikutin ng male personality.
“Wala naman siyang ibang pamatay kundi ang sabihing marami siyang isinakripisyo para sa kasalukuyan niyang pinakikinabangan. Tatak na niya ‘yun!
“Naku, nakakaawa naman ang gay benefactor niya ngayon, mauubos siya, napakaluho ng lalaking ‘yun! At hindi lang siya ang karga ng karelasyon niya, pati ang buong pamilya niya, kaya good luck na lang sa sponsor niya ngayon!” pagtatapos ng aming source.
Kim niratrat ng mga netizen
HANGGANG ngayon ay si Kim Chiu pa rin ang paksa sa kahit saan. Hindi naman kasi simple ang nangyari sa aktres na may imaheng mabait, marunong makisama at walang kaangasan.
Maraming nakikisimpatya sa kanya, isang matinding bangungot ang naganap sa aktres, bibilang pa nang mahabang panahon bago mawala sa kanyang kamalayan ang pagratrat sa kanyang sasakyan ng isang riding in tendem.
Mabuti na lang at napagod siya sa pagrerepaso ng kanyang script, inantok siya, kaya naibaba niya ang kanyang upuan para umidlip.
Paano kung hindi ganu’n ang nangyari? Siguradong sapul na sapul siya.
Walong bala ang tumama sa kanyang van na mukhang hindi talaga siya bubuhayin.
Pero na-bash pala si Kim sa unang post niya. Parang sinabi kasi ni Kim na sa susunod, kailangang siguruhin ng mga riding in tandem na tama ang plate number ng sasakyan na tinatarget nila, para maiwasan ang mistaken identity.
Hindi naging maganda ang dating nu’n para sa marami nating kababayan dahil sa halip daw na kundenahin ni Kim ang ganu’ng gawain ay pagsisiguro pa sa plate number ang kanyang naisip na ipayo sa mga hired killers.
Maaaring ‘yun ang unang bugso ng kanyang emosyon dahil sa sobrang pagka-shock, pero binura rin naman agad ni Kim, para hindi na siya makatikim nang masasakit na salita.
Nu’ng kalahok pa lang sa PBB si Kim ay nabuksan ang isang maselang paksa tungkol sa kanyang pamilya. Ang kanyang mga magulang ang sentro ng isyu.
Inalis kasi ng mas nakararami ang ideya ng mistaken identity sa pagratrat sa van ni Kim, pinag-aralan daw ng riding in tendem ang senaryo, sinubaybayan talaga siya mula sa paglabas niya sa kanilang subdivision hanggang sa makakita ng tiyempo ang mga ito sa Katipunan Avenue.
Payo ng ilan ay kailangang laliman ang imbestigasyon para huwag nang mangyari pa uli ang ganito sa aktres, baka raw may ibang target ang riding in tandem na malapit sa buhay ni Kim, pero siya ang napuruhan.
Ang kanyang buhay ang nanganib, ang buhay ni Kim ang naisakripisyo, samantalang wala naman siyang sinumang tinatapakan at sinasaktan.