Itinuturing ng Simbahan bilang pinagpalang pagkakataon ang patuloy na quarantine upang mas palalimin ang debosyon sa Kamahal-mahalang Puso ni Hesus ngayong ginugunita ang ‘Month of the Sacred Heart’.
Sa gitna ng maraming paghihigpit ngayong sarado ang lahat ng parokya, patuloy ang pagdaloy ng biyaya sa mga deboto kahit na sa internet lang makapagsisimba sa Pista ng Banal na Puso, Hunyo 19.
Sadyang hindi mapipigilan ng lockdown ang pagdiriwang ng Araw ng Banal na Puso ngayong Biyernes sa patuloy na pag-asa ng mga namimintuho sa mga binitiwang pangako ni Hesus kay Sta. Margarita Alacoque.
Sa gitna ng pangangapa sa solusyon sa COVID-19, nanatili ang tiwala ng tanan sa walang maliw na pag-ibig ng Diyos na sinasagisag ng Kanyang Banal na Puso. Tiklop luhod ang lahat sa paghiling na matapos na ang pandemya.
Giit ng Simbahan, kasama natin ang Diyos: “Jesus’ Sacred Heart reminds us that we have a God who journeys with us during our sad and painful moments. He will always be there to comfort us when we are troubled. His love will never fail and will constantly pick us up when weighed down.”
Sa gitna ng krisis, sinasariwa natin ang pananalig sa dakilang pag-ibig ng Poon sa sangkatauhan, tiwala na sa lahat ng mga pinagdaraanan walang hinahangad ang Diyos kundi ating kabutihan. At kung ‘wake up call’ man ng langit ang COVID-19, tiwala tayo na palaging bukas ang Puso ni Hesus sa mga nagbabalik-loob!
Mahal tayo ng Ama anuman ang ating nagawang kasalanan. Ito ang hinog na panahon upang muling lumapit sa Kanya, isailalim ang sarili sa maamong Puso ni Hesus, isuko ang lahat ng ating mga pighati at namnamin ang pagpapahalaga sa atin ng Diyos na nag-alay ng buhay para sa atin, ngayong darating na Pista.
Sa huli, hinihimok ng Simbahan ang mga deboto ng Sacred Heart na italaga ang sarili sa Diyos ngayong mga nalalabing araw ng buwan upang tanggapin ang Kanyang pagka-Pastol at dakilang Awa sa sangkatauhan. Wala daw tayong anumang dapat ikatakot dahil inako na ng Diyos ang lahat ng parusa para sa atin.
Samantala, anumang kapalaran at tadhana ang nakalaan sa atin, patuloy nating sasambahin, iibigin, pupurihin, at pagsilbihan ang Kamahal-mahalang Puso sa gitna ng mga hirap at pasakit.
Kabanal-banalang Puso ni Hesus, maawa ka sa amin!