Ipinangako ng pamunuan ng National Police Commission (NAPOLCOM) na ibibigay nila ang nararapat na hustisya para sa pamilya ng 17-taong gulang na si Kian delos Santos na pinatay sa drug operation sa Caloocan City noong Agosto 16, 2017.

Ayon kay NAPOLCOM Vice Chairman Ro­gelio Casurao, handa sila sa maaaring ibigay na parusa sa mga pulis na sangkot sa pagkamatay ng binatilyong biktima.

Nakausap na umano niya na ang pamilya ng biktima at dudulog ito sa kanilang himpilan para magsampa ng kaso sa mga pulis na nakapatay sa kanilang anak.

Pero, kahit hindi pumunta sa kanila ang mga ito ay gagawa pa rin umano sila ng aksyon sa kaso ni Kian.

Kahapon nang iniharap sa media ng Caloocan Police ang isang ‘tulak-droga’ na nakakatransaksyon umano ni Kian.

Kuwento ng umano’y drug pusher na si Renato ‘Nono’ Loveras, dalawa hanggang tatlong beses sa isang linggo niya nakakatransaksyon si Kian.

Tahasang sinabi ni Loveras ang binatilyo mismo ang nag-aabot sa kanya ng shabu na galing sa isang Neneng Escopin.

“Kapag confirmed na ang order, iaabot na ni Kian sa akin. Iaabot ko sa kanya ang bayad,” ani Loveras.

Dagdag niya, runner din ni Escopin ang dalawa pang menor-de-edad bukod kay Kian.

Napatay ng mga pulis si Kian nitong Agosto 16, 2017 ng gabi matapos umano silang paputukan ng binatilyo sa Barangay 160, Caloocan.