Malayo pang makamit ang hustisya sa pagkamatay ni Joanna Demafelis, ang Filipina na isinilid sa freezer at iniwan sa abandonadong apartment sa Kuwait sa loob ng isang taon.

Ito’y kahit sumuko na kahapon sa PNP Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang sinasabing recruiter na si Agnes Tuballes na umano’y nagpadala kay Demafelis sa Kuwait.

“Hindi naman po ako ang pumatay kay Joanna­, tumulong lang po ako para makaalis siya at magkaroon ng trabaho, nilagay ko po siya sa isang legal na agency, hindi ko po pinangarap na mamatay o patayin sya doon,” mangiyak-ngiyak na pahayag ni Tuballes na malayong kamag-anak ng mga Demafelis sa Iloilo.

Sinabi pa nito na ipinadaan niya sa Our Lady of Mt. Carmel Global E-Human Resources ang proseso sa pagpapadala kay Demafelis sa Kuwait.

Lumutang din sa National Bureau of Investigation – Anti-Human Trafficking ang dating staff ng Mt. Carmel na si Marissa Mohammad at sinabing limitado lamang ang kanyang papel sa pagproseso ng mga dokumento dahil siya lamang ang nag-fill up ng application form ni Joanna.

Ang application form ni Joanna ay idinerets­o umano sa general manager­ ng Mt. Carmel na si Mary Gay Abrantes.

Sinabi naman ni PNP-CIDG Director Roel Obusan na hindi pa lusot sa kaso si Tuballes.

Aniya, iniimbestigahan din nila ang isang Ara Midtimbang, may asawang Kuwaiti, na siyang nagha­hanap ng mapapasukang employer ng ipinapadala ng Mt. Carmel.

“Dalawang iniimbestigahan natin, ‘yung killing­, at sa kanila naman manner ng employment kung may problema, so nagsisimula pa lang tayo. We are buildin­g up cases,” pag-amin ni Obusan.

Matatandaan na nahuli na ang mag-asawang amo ni Demafelis subalit hindi pa ibinabalik sa Kuwait ang lalaki na nasa Lebanon at ang asawa na nasa Syria.