Hustisya kay Father Ventura hinirit

ariel-casilao

Kinondena ni Anakpawis Rep. Ariel Casilao ang brutal na pagpaslang sa pari ng Simbahang Katolika na si Fr. Mark Ventura sa loob ng kapilya sa Gattaran, Cagayan Valley.

Si Fr. Ventura ang pinuno ng Migrants Desk ng Diocese ng Tuguegarao at sinasabing aktibo ito sa kampanya laban sa pagmimina gayundin sa mga usapin na may kinalaman sa mga katutubo sa Cagayan.

Ang pagpatay kay Fr. Mark ay pag-atake sa Simbahan, ayon kay Casilao.

“Anakpawis extends its condolences to the family, friends, parishioners and the people of Gattaran, Cagayan Valley for whom Fr. Mark Ventura had served for the past seven years. We are one with the migrants, his parishioners and the Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) in calling for justice for his death,” pahayag ni Casilao.
Noong Disyembre, taong 2017, binaril hanggang sa napatay din ang Nueva Ecija Catholic priest na si Fr. Tito Paez.

Si Fr. Paez ay isa ring human rights advocate.

Samantala, bumuo ng Special Investigation Task Force ang Philippine National Police (PNP) para humuli sa suspek na bumaril at pumatay kay Rev. Father Ventura sa Barangay Maubo sa bayan ng Gattaran, Cagayan.

Ayon kay PNP chief Director General Oscar Albayalde, ang nasabing task force ay pamumunuan mismo ni Cagayan Provincial Director Sr. Supt. Warren Gaspar Tolito.

Binaril ng nag-iisang gunman na nakasuot ng itim na jacket at naka-helmet si Father Ventura, kura paroko ng San Isidro Labrador dakong alas-otso ng umaga matapos nitong magmisa sa isang gymnasium sa Barangay Maubo, Gattaran.

Mabilis namang tumakas ang suspek matapos ang pamamaril kung saan naghihintay ang isang kasamang nakamotorsiklo di-kalayuan sa lugar ng insidente.