Hustisya kay Jeanelyn Villavende nasaan?

Mula sa total deployment ban ay naging “partial” deployment ban na lamang ang ipapatupad ng gobyerno para sa pagpapadala ng Pilipinong manggagawa sa Kuwait.

Taliwas ito sa inihayag noon ni Department of Labor and Employment (DOLE) secretary Silvestre Bello na aalisin lamang ang total deployment ban kapag matiyak na magiging maayos na ang kundisyon at pagtrato ng mga Kuwaiti employer sa mga Filipina household worker at masunod ang mga kundisyong nais ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Wala pang halos isang buwan na ipinatupad ang total deployment ban ay lumambot kaagad ang gobyerno kaya lalo pang madadagdagan ang mga ipapadalang manggagawang Pinoy sa Kuwait na bansa ng mga malulupit at mga berdugong amo.

Paano makakasiguro ang gobyerno na tutuparin ng mga Kuwaiti employer ang napagkasunduan ng Pilipinas at gobyerno ng Kuwait ga­yong ginawa na ito kay Villavende na dumanas ng matinding pahirap bago pinatay ng mga berdugong amo.

Ang masakit pa nito, pinagtakpan ng ­Kuwaiti authorities ang totoong nangyari sa kaawa-­awang ofw at hindi inilagay sa ­autopsy report ang tunay na ikinamatay nito, pero sa ­ginawang autopsy report ng ­National Bureau of Investigation (NBI), dumanas ng matinding hirap ang biktima, hinalay, ginamitan ng matigas na bagay batay sa mga pasa sa buong katawan at sinodomized dahil may nakuhang matigas na bagay ang Kuwait police sa puwit nito.

Hustisya ang isinisigaw ng pamilya ni Villavende at bagama’t sinasabing inaresto, kinasuhan at nakakulong na ang mag-asawang amo nito sa Kuwait, hindi sapat na rason ito para lumambot ang gobyerno.

Isipin sana ng gobyerno ang kaligtasan at proteksiyon ng gobyerno dahil baka maulit na naman ito sa iba pang ofw sa Kuwait.

Dahil sa desisyong ito ng gobyerno, tiyak na magdiriwang na naman ang mga buwitreng recruitment agency dahil balik na naman ang masasayang araw nila sa pagpapadala ng mga manggagawang Pinoy pero hindi isinaalang-alang ang pag-check muna kung ang pupuntahang amo ay mabait o may mala-demonyong ugali.

Nakapagtataka lamang na tila wala ring nagagawa ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) para i-check at i-ban ang mga employer na may bad record sa pagtrato sa mga ofw.

Panahon na siguro na magpakitang-gilas ang mga ahensiya ng gobyernong may kinalaman sa kapakanan ng mga ofw at unahin muna ang pagtiyak sa kaligtasan ng mga ito, at magkaroon ng database sa mga Kuwaiti emplo­yer na may maganda at mabuting record upang sa ganon ay hindi malagay sa peligro ang buhay ng mga manggagawang Pilipino.