Hindi na nahinto ang kaso ng pagpatay sa ating mga kaawa-awang kababayang overseas Filipino worker (OFW) sa Kuwait. Halos taon-taon may namamatay. Hindi lang isa, minsan dalawa pa sa isang taon.

Pinaka-horrible ay ang kaso ni Joanna Demafelis na tubong Iloilo na pinatay ng kanyang amo noong 2018. Nakita ang bangkay ni Joanna sa isang freezer sa abandonadong apartment sa Kuwait.

Pinatay siya sa sakal ng mga amo nitong Lebanese. Noong Set­yembere 2019 hinatulan ang malupit nitong employer ng guilty sa kasong murder ng Syrian District Criminal Court.

Dahil sa pangyayari, ipinag-utos ni Pangulong Rodrigo Duterte na itigil ang pagpapadala ng domestic helper sa Kuwait. Nangako noon ang Kuwait government na poproteksiyunan ang mga OFW doon at lumagda pa nga ito sa kasunduan hanggang alisin ang deployment ban.

Noong Mayo 2019, isa na namang OFW na tubong Isabela, si Constancia Dayag, ang nasawi matapos patayin sa bugbog ng kanyang among Kuwaiti. Hanggang ngayon, wala pang update sa kaso. Pakiramdam ng pamilya, maaa­ring may whitewash o pagtatakipan sa kaso.

At itong huli, bago magtapos ang taong 2019, ginulantang na naman ang bansa sa ginawang pagpatay kay Jeanelyn Villavende ng kanyang diyablong Kuwaiti employer.

Dalawang kaso ng pagpatay sa ating mga OFW sa Kuwait nito lamang 2019. Nangyari ito sa kabila ng nilagdaang kasunduan ng gobyerno ng Pilipinas at Kuwait para sa proteksiyon ng ating mga manggagawa doon.

Kaya ang tingin ng ilan, mukhang hindi natatakot ang mga Kuwaiti o hindi nila nirerespeto ang kasunduan na iyon dahil tuloy pa rin ang pag-abuso sa ating mga kababayan.

Sa datos ng Department of Labor and Employment (DOLE), mula 2016 hanggang 2018, umabot na sa 196 OFW sa Kuwait ang namatay at karamihan sa mga ito ay domestic helper.

At kung walang nangyayari sa kaso ni Dayag, aba’y posibleng matulad din ito sa kaso ni Villa­vende na baka magkaroon nga ng whitewash sa kaso.
Aba’y dapat kumilos agad ang gobyerno natin para dito. Kaya ang suhestiyon ng ilan, tipunin ng pamahalaan natin ang joint monito­ring committee na nakapaloob sa agreement sa pagitan ng dalawang bansa na nilagdaan noong May 2018.

Makakatulong ito para mapigil ang posibleng whitewash sa im­bestigasyon sa pagkamatay ni Villavende. May ulat kasi na ang asawa ng suspek ay kawani diumano ng Department of Interior ng Kuwait.

Hindi malayo ‘yan dahil nga sa koneksiyon ng employer ni Villavende sa gobyerno, posibleng baguhin ang mga detalye at ebidendiya sa kaso ng pagkamatay nito.

At ang pinakamahalaga, dapat mag-hire ang gobyerno ng mahuhusay na abogado na siyang magdedepensa kaso ni Villavende. Napakahalagang maipanalo ang kaso dahil may ‘national importance’ ito sa ating lahat.

Ipakita naman sana ng ating gobyenrno na may malasakit tayo sa ating mga kababayan. Iisa lang naman ang gusto ng kanilang pamil­ya, ang magbigyan ng hustisya ang kanilang mga mahal sa buhay.

At habang hindi pa gumugulong ang kaso, mas mabuti sigurong magkaroon ng total dep­loyment ban at hindi lang partial ban ng mga Pinoy worker sa naturang bansa dahil iba talaga ang turing nila sa ating mga kababayan.

Iisa lang naman ang sigaw nating lahat, hustisya para kina Dayag at Villavende!