Hustisya kay VM Lubigan panawagan sa libing

abante-tonite-vm-lubigan-002

Naihatid na sa huling hantungan ang napaslang na vice mayor ng lungsod ng Trece Martires, Cavite na si VM Alexander Lubigan kahapon.

Dagsa ang mga nakipaglibing sa namayapang opisyal, na pa­wang nakasuot ng puting kamiseta at nakalagay ang mga katagang “Justice for Vice Mayor Alex Lubigan”.

May nakatali namang kulay itim na laso sa kanang braso ang mga kaanak ni Lubigan, tanda umano ng patuloy nilang pagha­hanap ng hustisya sa ‘di makatarungang pagkamatay na sinapit nito.

Mula sa kanilang tahanan sa Barangay Luciano ay naglakad patungo sa St. Jude Thaddeus Parish Church ang mga nakiramay at nakipaglibing, kasunod sa karo na nagdadala sa kabaong ng napaslang na opisyal.

Matapos ang misa ay inihatid sa St. Jude Cemetery ang labi nito kung saan tuluyan na itong mahihimlay.

Kabilang sa ilang personalidad na nakiramay at nakipaglibing ay sina Violence Against Crime and Corruption (VACC) founding chairman Dante Jimenez, ex-Cavite Gov. Jonvic Remulla, Vice Gov. Jolo Revilla at ilang mga opisyal mula sa iba’t ibang lungsod at munisipalidad sa lalawigan ng Cavite.