EDISON REYES
Ang hindi batid ng pamilya ni Ronalyn, noong gabi ring ‘yun ay ikinakasa na nina Col. Magdaluyo ang pagsalakay sa pinaglulunggaan ni Jade sa Permanent Housing sa Balut, Tondo batay na rin sa ibinahaging impormasyon sa kanila ni Rommel.
Ayon kay Col. Magdaluyo, nalaman nila na tanging ang kanyang live-in partner na si Rosalinda na isa rin umanong drug addict at ang menor-de-edad pa nitong anak sa unang asawa ang kasama ni Jade sa tinutuluyang silid sa Permanent Housing kaya’t binuo na niya ang assault team na lulusob sa lugar.
Sabi pa ng opisyal, gusto sana niya na sila lang ang lumusob sa lugar at hindi na hihingi ng tulong sa ibang unit ng kapulisan subalit bago isagawa ang pagsalakay, may nakarating sa kanyang impormasyon na hindi susuko at tiyak na manlalaban si Jade kaya’t minabuti niyang humiling ng dalawang unit ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team.
Gayunman, nang makarating ito sa kaalaman ni MPD Director P/Brig. Gen. Vicente Danao, Jr., apat na team ng SWAT ang ipinadala ng opisyal sa Station 1 upang matiyak na hindi na makakalusot pa sa pag-TUGIS ng batas si Jad
Pasado ala-1:00 nang madaling-araw nang dumating ang pinagsanib na puwersa ng MPD Station 1 at SWAT team sa Permanent Housing sa Balut, Tondo at pumuwesto sa Building 25 ang attacking force ni Col. Magdaluyo habang sa Building 18 naman pumuwesto ang mga tauhan ng SWAT.
Ayon kay Col. Magdaluyo mabuti na rin na may kasama silang SWAT dahil kumpleto sila sa mga kagamitan tulad ng bullet proof vest, shield, helmet at battering ram na kanilang gagamitin sa pagwasak sa pintuan kung sakali at hindi kusang sumuko si Jade.
Nang matunton nila ang silid na tinutuluyan ni Jade, hinimok nilang sumuko ang suspek at harapin ang kasong isasampa ng pulisya laban sa kanya kaugnay sa pagpatay kay Ronalyn.