Hustisya, nakamit kaagad ng pinaslang na dalagita

EDISON REYES

Ayon kay Aling Desiree, maagang kinuha sa kanila ng Panginoon ang una niyang asawang si Rene matapos ba­ngungutin sa pagtulong noong tatlong taon pa lamang ang kanyang anak na si Ronalyn.

Ito aniya ang dahilan kaya’t naging mahirap para sa kanya na mapag-aral ang dalawang anak bagama’t maayos naman niyang napalaki ang mga ito na bukod sa mapagmahal sa pamilya at kaibigan ay kapwa lumaking may takot sa Diyos.

Nang muling mag-asawa si Aling Desiree, hindi kinakitaan ng pagtutol si Ronalyn at kapatid na lalaki sa paniwalang kailangan din ng kanilang ina ang katuwang sa buhay lalu na sa kanyang pagtanda.

Tatlo ang naging kapatid ni Ronalyn sa naging asawa ni Aling Desiree at kahit hindi gaanong naging maalwan ang kanilang buhay, naging tahimik naman ang kanilang pamumuhay at kinakitaan ng pagiging malapit sa isa’t isa.
Bukod dito, may mga kaanak din ang pamilya nina Ronalyn sa kanilang tinitirhang lugar sa Interior 23 ng Dayao St. na sakop ng Barangay 129 Zone 11 sa unang distrito ng Tondo na kahit papaano ay kanilang nalalapitan sa panahon ng kagipitan.
Sa naturan ding maliit na lansangan nakapagtayo ng maliit na tindahan ang 62-anyos na lola ni Ronalyn na si Aling Danna at dito siya tumutulong sa pagtitinda hanggang sa makilala niya at maging suki ng kanilang tindahan ang tomboy na si Jenjen Flores Santiago.

Mabait, pala-kaibigan at maalalahanin si Jenjen na nakapagtapos ng pag-aaral sa Timoteo Paez High School sa Balut, Tondo kaya’t hindi lamang si Ronalyn ang naging malapit sa kanya kundi maging ang kanyang mga kapatid, kaibigan at kaanak.

Nagtatrabaho sa isang stall sa isang sangay ng malaking department store si Jenjen at naninirahan sa hindi naman kalayuang lugar sa tirahan nina Ronalyn kaya’t halos araw-araw ay tumatambay siya sa maliit na tindahan upang masilayan lamang ang kariktan ng dalagita na noon ay magla-labing apat na taong gulang pa lamang.
Hindi naging hadlang ang murang edad ni Ronalyn upang makatawag ng pansin ang kanyang kariktan kay Jenjen na bagama’t pareho sila ng kasarian ay nananalaytay naman sa dugo ang pagkakaroon ng pusong lalaki.

Ma­ging ang lola at ina ni Ronalyn ay nakahalata na sa kakaibang ikinikilos at ipinadarama ni Jenjen sa dalagita bagama’t hindi kaagad nila ito binigyan ng kahulugan dahil sadyang palakaibigan naman sa kanilang lugar ang tomboy

Bukod dito, nakikita naman nila na masaya si Ronalyn kapag kausap at nakakasalamuha si Jenjen na batid nila na walang masamang impluwensiyang dala sa mga kaibigan kahit pa nga hindi maitatanggi na maraming kabataan sa kanilang lugar ang nahuhuma­ling pa rin sa ilegal na droga sa kabila ng mahigpit na kampanya laban dito ng pulisya at maging ng kanilang barangay.

Kahit nasa murang edad pa lamang si Ronalyn, naramdaman na niya ang kakaibang pagtingin at pagmamahal na iniuukol sa kanya ni Jenjen lalu na ang ipinamamalas na pagiging maaalalahanin na nakakapagbigay ng labis na kasiyahan sa kanyang puso.