EDISON REYES
Matiyagang inisa-isa nina Col. Magdaluyo at mga tauhan ang kuha ng CCTV sa area na sakop ng Brgy. 128 hanggang makatawag-pansin sa kanila ang kaanyuan ng isang lalaki na bukod sa kasingtaas at kasing bulas ng salarin, may tattoo rin ang lalaki sa braso na kahalintulad ng gunman na pumatay kay Ronalyn na naglalakad, kasama ang isa pang lalaki.
Sa tulong naman ng impormante ng pulisya sa lugar, nakilala ang lalaking kasamang naglalakad ng salarin na si Rommel Abalos kaya’t dito muna nila itinutok ang kanilang atensiyon.
Dahil batid ni Col. Magdaluyo na katuwang naman nila si Chairman Hernani sa pagpapanatili ng katahimikan at kaayusan sa lugar, hiningi niya ang tulong ng kabesa upang makumbinsi si Rommel na ilahad ang kanyang nalalaman sa nangyaring krimen.
Madali namang naimbitahan ni Chairman Hernani si Rommel subalit walang mapiga sa kanya ang kabesa kaya’t pinakiusapan ni Col. Magdaluyo ang punong barangay na dalhin sa kanilang tanggapan ang lalaki upang sila ang magsagawa ng pagtatanong.
Una’y nag-alangan si Chairman Hernani na dalhin si Rommel sa Station 1 ng MPD sa pangamba na may mangyaring hindi maganda sa lalaki lalo na’t tiniyak niya sa pamilya nito na makakauwi ng maayos sa kanyang pamilya ang lalaki.
Gayunman, napawi ang pag-aalala ng kabesa nang tiyakin sa kanya ni Col. Magdaluyo, na batid niyang may isang salita, na walang masamang mangyayari kay Rommel kaya’t sinamahan niya ito sa naturang police station.
Sa mismong tanggapan ni Col. Magdaluyo isinama ni Chairman Hernani si Rommel at bago umalis ay pinagbilinan pa niya ang lalaki na sabihin na ang lahat ng kanyang nalalaman sa nangyaring krimen.
Upang mapalagay ang loob, minabuti ni Col. Magdaluyo na maging kasuwal lamang ang pagtatanong niyang ginawa kay Rommel sa paniwalang sa ganitong paraan ay makikipagtulungan sa kanila ang lalaki.
Gayunman, patuloy na nagmatigas si Rommel at iginiit na wala siyang nalalaman sa nangyaring krimen at hindi niya kilala ang gunman na bumaril at nakapatay kay Ronalyn.
Dito na ipinakita ni Col. Magdaluyo kay Rommel ang kuha ng CCTV camera sa kanilang lugar habang kasamang naglalakad ang isa pang lalaking tumutugma sa kaanyuan ng gunman na bumaril kay Ronalyn.
Sa pahayag ni Col. Magdaluyo sa TUGIS, mistulang nahimasmasan si Rommel nang makita ang sarili sa kuha ng CCTV habang naglalakad, kasama ang hinihinalang salarin bago sila tuluyang naghiwalay.
Pinakalma naman ng opisyal ang kalooban ni Rommel at sinabing tutulungan niya ang lalaki upang hindi masangkot sa krimen kapalit ng pakikipagtulungan niya sa pulisya upang malutas ang nangyaring krimen.
Batid ni Col. Magdaluyo ang umiiral na panuntunan ng mga lalaking sangkot sa iligal na aktibidad na naglu-lungga sa tenement housing, kabilang na rito ang hindi pag-amin at walang laglagan kung sinuman ang unang madakip ng awtoridad.
Gayunman, dahil nasukol na ni Col. Magdaluyo si Rommel, ipinasiya na ng lalaki na sabihin ang lahat ng kanyang nalalaman, pati na ang pangalan ng salarin.
Ayon kay Rommel, si Jade Ayson ang kasama niyang naglalakad na nakita sa CCTV bagama’t naghiwalay na aniya sila bago pa man mangyari ang pamamaslang kay Ronalyn.
Inamin niya na bago isagawa ni Jade ang pagpatay, nagpunta muna sila sa Building 23 sa Permanent Housing upang “bumatak” ng shabu. Dito rin aniya ipinakita sa kanya ni Jade ang isang kalibre ng baril na nakasilid sa bitbit niyang sling bag na posibleng ginamit sa pamamaslang.
Matapos aniya silang bumatak ng shabu, sabay na silang naglakad paalis ng Building 23 at naghiwalay din dahil tumuloys siya sa isang pasugalan upang maglaro habang sumakay naman ng tricycle si Jade na nakita rin sa CCTV na minamaneho ng isang alyas July, patungo na sa Dayao St. sa Barangay 129.
Sabi pa ni Col. Magdaluyo, bukod sa driver ng tricycle na si July na naghatid sa salarin, isa pang alyas Dexter na nagsilbi ring lookout ni Jade ang kanilang tinu-TUGIS upang papanagutin sa krimen.
Napaglaman din ng pulisya sa nakalap nilang impormasyon na miyembro ng Sputnik Gang at kabilang din sa “Uzi Gang” na sangkot sa ilegal na droga si Jade at may kakayahang pumatay kapalit ng malaking halaga ng salapi.
Natuklasan din ng pulisya na dati ng nakulong sa Manila City Jail si Jade noong taong 2014 at nakalaya lamang noong nakaraang taon makaraang mahuli sa pag-iingat ng ilegal na droga.
Samantala, sa huling gabi ng lamay ni Ronalyn sa kanilang lugar sa Dayao St. noong Abril 13, 2019, dumagsa ang mga kamag-anak at kaibigan ng dalagita, kabilang ang kanyang kasintahang si Jenjen na halos hindi umaalis sa labi ng kanyang minamahal.
Kakaiba ang huling gabi ng lamay ni Ronalyn dahil sa halip na pagdadalamhati ang bumalot sa katauhan ng mga nakiramay, kakaiba ang ginawang aktibidad ng kanyang mga kaanak, kabarkada at kaibigan dahil nagsayawan sila sa saliw ng masayang tugtugin.
Sa post ni Jenjen sa kanyang facebook account, ibinahagi niya ang masayang gabi ng huling lamay ng kanyang minamahal na aniya ay siyang kagustuhan ni Ronalyn bago siya ihatid sa kanyang huling hantungan sa Manila North Cemetery.
Ang hindi batid ng pamilya ni Ronalyn, noong gabi ring yun ay ikinakasa na nina Col. Magdaluyo ang pagsalakay sa pinaglu-lunggaan ni Jade sa Permanent Housing sa Balut, Tondo batay na rin sa ibinahaging impormasyon sa kanila ni Rommel.
Ayon kay Col. Magdaluyo, nalaman nila na tanging ang kanyang live-in partner na si Rosalinda na isa rin umanong drug addict at ang menor-de-edad pa nitong anak sa unang asawa ang kasama ni Jade sa tinutuluyang silid sa Permanent Housing kaya’t binuo na niya ang assault team na lulusob sa lugar.
Sabi pa ng opisyal, gusto sana niya na sila lang ang lumusob sa lugar at hindi na hihingi ng tulong sa ibang unit ng kapulisan subalit bago isagawa ang pagsalakay, may nakarating sa kanyang impormasyon na hindi susuko at tiyak na manlalaban si Jade kaya’t minabuti niyang humiling ng dalawang unit ng Special Weapons and Tactics (SWAT) team.
Gayunman, nang makarating ito sa kaalaman ni MPD Director P/Brig. Gen. Vicente Danao, Jr., apat na team ng SWAT ang ipinadala ng opisyal sa Station 1 upang matiyak na hindi na makakalusot pa sap ag-TUGIS ng batas si Jad
Pasado ala-1 ng madaling araw nang dumating ang pinagsanib na puwersa ng MPD Station 1 at SWAT team sa Permanent Housing sa Balut, Tondo at pumuwesto sa Building 25 ang attacking force ni Col. Magdaluyo habang sa Building 18 naman pumuwesto ang mga tauhan ng SWAT.
Ayon kay Col. Magdaluyo mabuti na rin na may kasama silang SWAT dahil kumpleto sila sa mga kagamitan tulad ng bullet proof vest, shield, helmet at battering ram na kanilang gagamitin sa pagwasak sa pintuan kung sakali at hindi kusang sumuko si Jade.
Nang matunton nila ang silid na tinutuluyan ni Jade, hinimok nilang sumuko ang suspek at harapin ang kasong isasampa ng pulisya laban sa kanya kaugnay sa pagpatay kay Ronalyn.
Nang walang matanggap na katugunan, sinimulan na ng SWAT team na gamitin ang kanilang battery ram upang puwersahang buksan ang pintuan habang nakahanda naman sa anumang mangyayari ang assault team.
Sinabi ni Col. Magdaluyo sa TUGIS na ilang ulit na pinuwersa ng SWAT team, gamit ang kanilang battery ram, ang pintuan ng tinutuluyang silid ni Jade subalit dahil sa dami ng mga bolt lock, nahirapan silang mabuksan ito hanggang marinig nila ang pagsigaw ni Jade na hindi siya pahuhuli ng buhay at handa siyang lumaban ng patayan.
Nang tuluyang mawasak ang pintuan, umalingawngaw ang sunod-sunod na putok mula sa loob ng silid kaya’t nagdapaan ang attacking force ng Station 1 na walang mga suot na bullet proof vest habang sinuri munang mabuti ng SWAT ang sitwasyon kaugnay sa wastong pamamaraan ng pakikipagpalitan ng putok.
Nangangamba ang mga pulis na baka tamaan ang kinakasama ni Jade na si Rosalinda o ang menor-de-edad nitong anak kung mamumutok sila ng walang patumangga sa loob ng silid hanggang matukoy nila si Jade na naka-puwesto sa mataas na bahagi sa loob ng silid.
Dito na siya inasinta ng mga tauhan ng SWAT team at sa isang iglap ay nasapol ng bala sa ulo si Jade na kaagad niyang ikinasawi.
Nakuha ng mga pulis sa nasawing suspek ang isang kalibre .380 Browning pistol na may magazine na naglalaman pa ng limang bala, isa pang reserbang magazine na may pitong bala, dagdag na bala ng kalibre .9mm at isang maliit na lalagyan ng bala na naglalaman ng ilang plastic ng sachet ng shabu.
Nang makarating sa kaalaman ng ina ni Ronalyn na si Aling Desiree ang pagkamatay ng suspek na kumitil sa buhay ng kanyang anak, mistulang nabunutan ng tinik sa dibdib ang ginang dahil kahit papaano’y maiibsan ng bahagya ang kanilang pagdadalamhati dahil mabilis na napagkalooban ng hustisya ang walang awang pagpatay sa dalagita.
Sinabi ni Aling Desiree sa TUGIS na bahagyang naibsan ang kanilang lungkot dahil sa mismong araw ng paghahatid nila sa huling hantungan sa kanyang anak, napatay din ang lalaking may kagagawan sa krimen.
Ayon pa sa ina ni Ronalyn, naging makabuluhan ang ginawang kasiyahan at pagsasayawan ng mga kaibigan, barkada at kaanak ng kanyang anak sa huling lamay dahil ang resulta pala nito ay ang tuluyang pagkakaloob ng hustisya sa kanyang kamatayan.
Ayon naman kay Col. Magdaluyo, bagama’t nagwakas ang landas ng kilabot na krimnal na pumatay ng walang awa kay Ronalyn, itutuloy pa rin nila ang paghahain ng kaso laban dito, kasama ang kanyang mga look out na sina Alvin Cubelo, isang alyas Dexter at ang tricycle driver na alyas July na ginamit ni Jade sa pagtungo sa Dayao St.
Sa mga kriminal nakatakbo at nakaiwas sa pag-TUGIS ng batas, pansamantala lang yan, hindi habang panahon kayong makapagtatago. Tandaan ninyo. walang krimen na hindi pinagbabayaran. -30-