Isang malalimang imbestigasyon ang ipinag-utos kahapon ni P/Chief Supt. Amador V. Corpus, regional director ng Police Regional Office 3 (PRO3), upang mapabilis ang paglutas sa pagpatay sa isang municipal councilor na pinagsasaksak at binaril ng dalawang suspek habang ang biktima ay nagsasagawa ng regular niyang ehersisyo sa Barangay Sta. Lucia, Sasmuan, Pampanga noong Sabado.

Sa kanyang press statement, mariing kinondena ni P/Chief Supt. Corpus ang pagpatay kay Sasmuan Municipal Councilor Jesus Angeles y Magtuloy na walang patumanggang pinagsasaksak sa dibdib at binaril pa nang paulit-ulit ng da­lawang hindi kilalang salarin habang ang opisyal ay nagdya-jogging kasama ang ilang kaibigan sa Barangay Sta. Lucia, Sasmuan.

Tiniyak ni Corpus sa publiko at sa pamilya ni Councilor Angeles na mabibigyan ng hustisya ang brutal na pagpatay sa opisyal at sinisilip nila ang lahat ng anggulo kung ano ang posibleng motibo ng pamamaslang. Patuloy silang kumakalap ng mga ebidensya para matukoy ang pagkakakilanlan ng mga tumakas na suspek.