Katarungan ang hinahangad ng pamilya ng isang 16-anyos na dalagitang ‘Hello Kitty collector’ matapos itong dukutin ng hindi kilalang armadong riding-in-tandem bago taniman ng bala at iwang walang buhay sa Barangay Tawiran, Obando, Bulacan kamakailan.

Hanggang ngayon ay blangko pa rin ang Obando police station sa pagkakakilanlan sa mga pumatay sa biktimang si Nercy Galicio, 16-anyos, estudyante at residente ng Navotas City na nagtamo ng apat na tama ng bala sa ulo at katawan matapos dukutin ng mga hindi kilalang salarin saka brutal na pinaslang at lumilitaw na biktima ng extrajudicial killings (EJK).

Nabatid na huling nakitang buhay ang biktima na mahilig mangolekta ng ‘Hello Kitty’ noong Abril 17 matapos itong magpaalam sa kanyang mga magulang na mamamasyal gamit ang hiniram na scooter.

Ngunit mula noon ay hindi na ito nakabalik at dito na nag-alala ang kanyang pamilya na mayroong masamang nangyari sa dalagita.

April 20 nang may matagpuang isang dalagitang duguang naka­bulagta at wala nang buhay sa Barangay Tawiran, Obando at dito na nagkatotoo ang hinala ng kanyang kaanak matapos na makilala nila si Galicio dahil sa suot-suot niyang medyas na may print na ‘Hello Kitty’.

Abril 30 nang ihatid sa huling hantungan ang dalagitang ‘Hello Kitty collector’ ngunit hanggang ngayon ay nananatiling blangko ang mga awtoridad sa kaso ng dalagita.

Masakit pa sa pamilya ng biktima ay tila iniugnay ang pagkamatay nito sa summary execution gayong hindi naman ito nasasangkot sa anumang kaso tulad ng droga.

One Response

  1. Baka bukas lalabas sa imbestigasyon ng ng PNP na collector sa illegal na droga yan imbes na collector ng Hello Kitty. Napakainutil ng PNP kaya duda akong makakamit ang hustisya ng pamilya ng kawawang dalagita.