Pumayag naman ang mag-asawang Raquel at Lornito na mapasailalim sa autopsy examination ang bangkay ng kanilang anak subalit nagulat sila dahil sinisingil pa sila ng P10,000 bilang bayad sa autopsiya sa bangkay na kalaunan ay naibaba na lamang sa P5,000.
Sa pagnanais na mag-asawa na maisaayos na ang burok ng anak, muli silang naghagilap ng mauutangan upang maisagawa na ang pag-autopsiya sa labi ni Kevin.
Habang isinasaayos ng pamilya Monsod ang pagburol sa labi ni Kevin, puspusan naman ang mga tauhan ni MPD Station 1 commander Col. Reynaldo Magdaluyo sa pag-TUGIS sa lalaking bumaril kay Kevin.
Sinimulan ni Col. Magdaluyo ang pakikipag-ugnayan sa mga opisyal ng Barangay 72 kung saan nangyari ang insidente ng pamamaril upang masilip at marebisa ang nakakabit na close circuit television (CCTV) camera sa naturang lugar.
Mula sa Barangay 72, nakipag-ugnayan din si Col. Magdaluyo sa mga opisyal ng Barangays 121, 66 at 68 kung saan dumaan ang motorsiklong sinakyan ng salarin makaraan ang ginawang pamamaril.
Sa mga nakalap na kuha ng CCTV ng pulisya sa mga lansangang dinaanan ng salarin na sakop ng tatlong barangay, nakita sa kuha ng camera ang ginawang pag-iwan ng salarin sa ginamit niyang motorsiklo sa Barangay 66.
Ilang sandali pa, may isang lalaking dumating na nakasuot ng damit na hindi kapareho ng suot ng salarin at kinuha ang motorsiklo kung saan pansamantala itong iniwan.
Matapos ang mga ginawang pagsusuri nina Col. Magdaluyo sa kuha ng mga CCTV sa bawa’t barangay na dinaanan ng motorsiklong gamit ng salarin mula sa lugar kung saan niya binaril si Kevin, ikinasa na ng pulisya ang pag-TUGIS sa hinihinalang may kagagawan ng pagpaslang.
Dakong alas-2:45 ng madaling araw noong Mayo 30, 2019 o dalawang araw makaraang mapatay si Kevin, nasakote ng mga tauhan ng MPD Station 1 ang 22-anyos na suspek na nakilalang si Mark Jospeh Vasquez malapit sa kanyang tirahan sa Pilapil Street, Tondo, Manila.
Dinala ng mga pulis sa tanggapan ni Col. Magdaluyo sa Station 1 ng MPD si Mark Joseph upang makompronta siya ng mga hawak na testigo ng pulisya.
Kaagad na ipinasundo ni Col. Magdaluyo sa kanyang mga pulis sina Allen Jade Silva at Marco Raquel alyas Agie na kasama ni Kevin nang magtungo sa lugar na pinangyarihan ng krimen makaraang makumbida sa isang inuman upang kilalanin ang naarestong suspek.
Nang dumating ang dalawa sa tanggapan ni Col. Magdaluyo, iniharap sa kanila si Mark Joseph na kanilang positibong itinuro na umano’y humabol sa kanila at namaril na ikinasawi ni Kevin matapos tamaan ng bala sa kaliwang balikat.
Bukod sa dalawa, sumugod din sa MPD Station 1 ang pamilya Monsod upang komprontahin ang suspek bagama’t hindi na sila pinahintulutang makalapit kay Mark Joseph upang maiwasan ang posibleng pagsilakbo ng kanilang damdamin lalu na ang ina ng biktima na si Aling Raquel.
Makaraang kilalanin ng mga testigo ang suspek, kaagad na dinala ang suspek sa headquarters ng MPD sa tanggapan ni P/Capt. Henry Navarro, ang hepe ng Homicide Section upang maisailalim sa imbestigasyon at wastong disposisyon.