Umapela sa korte ang mga kamag-anak ng mga nasawi sa Maguindanao massacre na itakda na ang paglalabas ng desisyon hinggil sa kontrobersiyal na kasong naganap may 10 taon na ang nakalilipas.
Inihain sa korte ng mga abogado ng Center for International Law na kumakatawan sa kanila ang nabanggit na kahilingan.
Ang pagtatakda umano ng promulgasyon sa desisyon ng korte ay alinsunod sa 30 araw na extension, rules ng criminal procedure at kanilang karapatan sa ilalim ng Universal Declaration of Human Rights.
Nobyembre 23, 2009 o isang dekada na ngayong Sabado nang maganap ang Maguindanao massacre sa bayan ng Ampatuan kung saan 58 katao ang walang awang pinaslang, kabilang dito ang 32 mga miyembro ng media.
Inatake ng mga armadong suspek ang convoy ng asawa at mga tagasuporta ni dating Buluan Vice Mayor at ngayo’y Congressman Esmael Mangudadatu na maghahain sana ng kanyang certificate of candidacy sa pagka-gobernador ng Maguindanao.
Niratrat ang mga biktima, ang iba ay pinugutan bago nilibing sa hukay na talagang sadya para sa mga ito. Kasamang nilibing sa malaking hukay ang mga sasakyan ng mga biktima na pinitpit muna ng heavy equipment kung saan naroon pa ang ibang bangkay ng mga sakay nito bago hinulog sa hukay.
Una nang sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na tapos na noon pang Hulyo 17, 2019 ang huling pagdinig ng kaso sa sala ni Quezon City Regional Trial Court (RTC) Judge Jocelyn Solis-Reyes.
Binigyan lamang nito ng hanggang Agosto 15, 2019 para isumite ang kani-kanilang memorandum o written summation at sa oras na makapagsumite na sila ay saka pa lamang maikokonsiderang submitted for decision ang kaso.
Kaya inaasahan ni Guevarra na makapaglalabas na ng desisyon ang korte bago pa sumapit ang ika-10 anibersaryo ngayong Sabado, Nobyembre 23.
Subalit hiniling ng sala ni Judge Solis-Reyes sa Korte Suprema na bigyan pa siya ng karagdagang 30 araw para mailabas ang desisyon sa Maguindanao massacre.
Sa kanyang liham, ikinatuwiran ni Reyes ang napakaraming record ng kaso na umabot na sa 238 volume na kinabibilangan ng 165 volume of records ng mga proceeding, 65 volume ng transcript of notes at 8 volume ng documentary evidence ng prosekusyon.
Binigyan naman ng Korte Suprema ng hanggang Disyembre 20 ngayong taon ang korte para desisyonan na ang Maguindanao massacre case. (Edwin Balasa)