Huwag basta maniwala

Lumikha ng malaking kaguluhan ang kumalat noong isang linggo sa social media at ilang blog hinggil sa umano’y pamumudmod ng National Housing Authority (NHA) ng libreng pabahay.

Nakaraang linggo ay nagkagulo ang daan-daang mahihirap nating mga kababayan dahil kumalat ang balitang may programang libreng pabahay ang ahensya sa ilalim ng administrasyon ni Pa­ngulong Rodrigo Duterte.

Dumagsa ang mga umaasa nating kababayan sa NHA upang mag-avail ng libreng pabahay na kalaunan ay nadiskubreng panloloko lamang pala.

Dinumog ang NHA dahil may ilang blogsites ang nag-upload ng balita na inaprubahan ng Pa­ngulo and libreng pabahay basta magpa-reserve lang daw sa NHA.

Kaya kahit walang kumpirmasyon ay sumugod sa NHA ang mga umaasa nating kababayan na magkaroon ng libreng pabahay sa pag-asang makabilang sa mabibigyan ng libreng bahay.

Pero ayon sa NHA, walang libreng pabahay ang ahensya at kung may housing project man ang gobyerno ay pinapabayaran pa rin ng hulugan tulad ng rent-to-own.

Sabi mismo ni Florian de Leon, manager ng NHA information division, na wala sa polisiya ng ahensya na mamigay ng libreng pabahay. Sa loob ng 40-taong pamamayagpag ng NHA ay wala itong na­bigyan ng libreng pabahay.

Mabuti na lamang at naging maagap ang NHA sa pagkaklaro ng maling balitang kumalat.

Napakahirap talaga ng social media dahil ang bilis ng pagkalat ng impormasyon kaya ang a­king panawagan sa ating mga kababayan para hindi naabala o nagiging biktima huwag basta-basta maniniwala sa mga nababasa sa mga blogs o social media. Ugaliin nating i-double check ang lahat ng nababasa natin para hindi tayo nabibiktima.

Sa mga blog sites naman at social media, ma­ging responsible tayo, maghihinay sa pagpapaskil ng mga impormasyon dahil malaking perwisyo ang maaring idulot ng mga maling impormasyong inyong naipapakalat.