Muling nagpahayag si Senadora Grace Poe ng labis na pagkabahala sa pagdami ng hindi dokumentadong Chinese na nagtatrabaho sa Pilipinas dahil tila mawawalan ng trabaho ang mga Pilipino.

Giit ni Poe, hindi dapat pumasok ng bansa ang mga nasabing dayuhan sa pagkukunwari bilang turista ngunit magtatrabaho naman pala. Aniya, dapat mas ma­ging mahigpit ang Department of Labor and Employment (DOLE) at Bureau of Immigration (BI) sa visa issuance.

Inihayag ni Poe, ilang Chinese ang gumagamit ng iligal na pasaporte ng Pilipinas para lamang makapagtrabaho sa bansa.

“Ayaw kong mga Pilipino ang nawawalan ng trabaho at kailangang mangibang-bansa pa sila,” ani Poe.

Nanawagan din si Poe na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa loob ng mga ahensiya at bumisita sa mga lugar kung saan sila nagtatrabaho para masigurong may kaukulan silang dokumento.

May natanggap na ulat si Poe na mga Chinese national ang magsisilbing construction workers at contractors sa rehabilitasyon ng Marawi. Dapat ani­yang mauna munang makinabang ang mga Pilipino sa trabaho roon.

Ang pagdami ng Chinese national ay nagreresulta rin sa pag­lobo ng presyo ng ari-arian tulad ng condominium kaya nilinaw ni Poe na maaaring ito ay dulot ng ‘superficial market conditions’ dahil sa pangangailangan sa espasyo.