Dear Sir:
Inamin ng Armed Forces of the Philippines na napasok na ng miyembro ng ISIS ang Pilipinas.
Nagbigay babala ang AFP na posibleng pinaplano ng mga ito na maghasik ng krimen sa bansa.
Ayon pa kay Maj. Gen. Felimon Santos Jr., AFP deputy chief of staff ng intelligence sa briefing sa kongreso na walong terorista na ang narito sa Pinas.
Kasabay nito ay pinabulaanan ng AFP na may kinalaman sa terorista ang naganap na magkasunod na pagsabog sa Quiapo, Manila.
‘Wag nating hayaang manguna ang takot sa atin, wala itong maitutulong. Bagkus makiisa tayo sa pagmamatyag at alerto upang makiisa upang magkaroon tayo ng magandang koordinasyon sa ating awtoridad.
Asahan natin na gagawin pa rin ng pamahalaan, kapulisan at kasundaluhan ang kanilang makakaya upang protektahan ang bansa at ang mga mamamayan nito.
Patunay diyan ang pagtaas ng porsyento ng pagsuko, pagkadakip at pagkamatay ng mga rebeldeng naghahasik ng karahasan sa ating bansa.
KLEIN R. DE GUIA
Guagua Pampanga
***
Dear Sir:
Tadtad ng warrant of arrest sa mga kasong murder at frustrated murder ang nadakip na si Rany Gargar Undayon alias Abloy, commanding officer ng platoon 7 na nag-o-operate sa Agusan del Sur, Lianga at Barobo sa Surigao del Sur.
Isa itong magandang resulta ng pagsisikap ng awtoridad na puksain at likumin ang mga rebelde sa ating bansa.
Makikita ang kinalabasan ng mga operasyon ng militar at pagpupursige ng gobyerno na makamit ang kapayapaan.
Pamilya dapat ang unahin at isaalang-alang ng ating mga kapatid na naliligaw ng paniniwala at tumutuligsa sa gobyerno.
Maswerte pang maituturing si Undayon dahil nadakip siya at hindi namatay sa engkwentro. May pagkakataon pa na baguhin ang maling gawain.
Wag sana nilang isakripisyo ang kanilang buhay at pamilya para sa armadong pakikibaka na hindi kailanman magiging tugon sa kahirap at suliranin ng ating inang bayan.
ROMEL R. GABLAN
Quezon City