Huwag hayaang mapunta sa wala ang pagkamatay ng mga health worker

Habang patuloy na nakikibaka ang lungsod ng Maynila sa `di mabilang na negatibong epekto ng COVID-19, kami sa pamahalaang lokal ay kinailangang magsagawa ng ilang matinding hakbang bilang bahagi ng aming walang sawang pagsisikap para mapigilan ang pagkalat ng nasabing virus.

Habang isinusulat ito, ang kabuuan ng unang distrito ng Tondo ay nasa ilalim na ng hard lockdown kung saan lahat ng quarantine passes ay pansamantalang kanselado at walang sinoman ang papayagang lumabas ng tahanan habang umiikot naman ang ating mga health personnel upang magsagawa ng health assessment sa mga taga-Tondo, sa pag-asang ma-trace kung sino ang maaaring may sintomas ng COVID at nang sila ay maihiwalay kaagad at malapatan ng lunas.

Dahil malaki ang populasyon (136 barangay) at bilang ng mga pasaway, 803 pulis ang itinalaga ni Manila Police District (MPD) Director Gen. Rolly Miranda upang ipatupad ang nasabing lockdown mula 5 a.m. ng Linggo hanggang 5 a.m. bukas (Martes).

Kinailangan itong gawin para sa kapakanan ng mga residente. Bakit kanyo? Mula nang mag-umpisa ang community quarantine, `di nawala ang Tondo sa ikalawang puwesto sa mga lugar sa Maynila na pinakamaraming confirmed COVID cases at persons under investigation (PUIs), kasunod ng Sampaloc, na naisailalim na rin sa parehong uri ng lockdown noong nakaraang linggo.

Bago ang hard lockdown sa Tondo, kinailangan din nating isara pansamantala ang emergency room at triage area ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center (GABMMC). Ito ang ospital na naglilingkod sa mga residente ng Tondo 1.

Ang pagsasara ay mula April 28 hanggang May 5, matapos iulat ng director nitong si Dr. Ted Martin na walong health care worker nila ang nagka-COVID 19, kasama na ang ilang doktor at nurse.

Sa kabila nito, lahat ng pasyente na naka-confine na sa GABMMC ay aalagaan pa rin habang ginagamit namin ang pagkakataon para linisin nang husto at i-disinfect ang mga isinarang bahagi ng ospital.

At dahil sa GABMMC din matatagpuan ang pinakamalaking dialysis center sa bansa, patuloy naming seserbisyuhan ang mga dialysis patient. Ang dialysis center ay nasa annex building at malayo sa emergency room at triage area.

Ang emergency cases ay pinapasa na ngayon sa lima pang ospital ng lungsod, ang Ospital ng Tondo, Justice Abad Santos General Hospital, Ospital ng Sampaloc, Ospital ng Maynila at Sta. Ana Hospital.

Nakalulungkot pero ang isang malaking dahilan kaya nakakakuha ng infection ang mga health care worker ay dala ng pagsisinungaling ng ilang pasyente ukol sa tunay nilang kalagayan, imbes na magsabi ng totoo para maayos silang magamot.

Paulit-ulit na akong nananawagan sa mga residenteng nagpupunta sa mga ospital na magsabi ng totoo, partikular na kung sila ay nakararanas ng sintomas ng COVID-19. Ito lamang ang paraan na kayong mga pasyente ay maalagaan nang maayos. Kung magsisinungaling kayo, ililigaw lamang ninyo ang mga health personnel at ilalagay din ninyo sa peligro ang kanilang buhay at maging sarili ninyong buhay.

Isinasakripisyo ng mga health care worker ang kanilang sariling kaligtasan at maging ng kanilang mga mahal sa buhay para lamang magligtas ng iba. Ang pinakamaliit na maaari nating iganti ay ang pagiging tapat sa kanila. Sa ganitong paraan, matutulungan natin sila at maging ang ating sarili.

Kaugnay nito, pinasasalamatan kong muli ang Manila City Council sa pamumuno ni Vice Mayor at Council Presiding Officer Honey Lacuna, president pro tempore Jong Isip at majority leader Joel Chua, para sa kanilang suporta at pagsisikap na dakilain at pasalamatan nang lubos ang ating mga health worker na namatay sa serbisyo at sa pakikibaka sa coronavirus.

Sa ilalim ng Ordinance 8639 na iniakda nina Isip at Chua, ang Bagong Bayani Endowment Benefit Fund of 2020, ang mga naiwang pamilya ng health workers na yumao dahil sa COVID-19 ay bibigyan ng lungsod ng P1 milyon. Ang mga anak nilang nag-aaral ay awtomatiko namang magiging scholar sa Pamantasan ng Lungsod ng Maynila o sa Universidad de Manila.

Ang pondo para dito ay kukunin sa mga donasyong pumasok sa lungsod ng Maynila at iba pang available funds na sesertipikahan ng city treasurer. Sakop ng ordinansa ang mga pamilya ng health care worker na namatay sa coronavirus mula nang ideklara ang public health emergency sa bansa noong March 8, 2020 hanggang sa magkaroon na ng bakunang lunas na sertipikado ng Food and Drug Administration.

Alam kong walang anumang halaga ang makatutumbas sa buhay nila o makapagpapagaan ng damdamin ng mga naulila. Ito ay isa lamang naming maliit na pamamaraan upang pasalamatan sila mula sa kaibuturan ng aming puso.

Sa mga residente ng Maynila, pakinggan naman natin at sundin ang mga tagubilin ng pamahalaan. Manatili sa bahay. Manatiling ligtas. Manatiling malusog. Sa ganitong paraan, ang pagkamatay ng ating mga healthcare worker ay hindi mapupunta sa wala lamang.

***

Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi, kailangan ko ang tulong ninyong lahat. Walang magmamalasakit sa Maynila kundi tayo ring mga Batang Maynila. Manila, God first!

***

Maaari ninyong malaman ang mga pinakahuling kaganapan sa pamahalaang lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng pagbisita sa aking kaisa-isang lehitimong Facebook account — `Isko Moreno Domagoso’.