Umani ng batikos ang Philippine News Agency (PNA) na web-based newswire service ng gobyerno dahil sa magkakasunod na pagkakamali sa ilang news report.

Pinakahuling insidente ay ang pagkakagamit ng PNA sa logo ng isang kumpanya ng pinya o ang DOLE Philippine sa halip na ang gamitin ay Department of Labor and Employment (DOLE).

Maliban sa nasabing pagkakamali ay may mga nauna na ring kaso ang PNA.

Dahil sa panibagong pagkakamali ng PNA, uminit ang pa­nawagan sa tanggapan na sibakin ang mga nasa likod ng kapalpakan.

Isang mambabatas ang nagsabing hindi na katanggap-tanggap ang paulit-ulit na sablay ng web-based newswire service ng pamahalaan na nasa ilalim ng Presidential Communications Ope­rations Office.

Sang-ayon tayo sa obserbasyong ito ng mambabatas na si Eas­tern Rep. Ben Evardone at iba pang mambabatas na hindi nagustuhan ang magkakasunod na kapalpakan ng PNA.

Malinaw na dahil sa ilang pagkakamali sa kanilang mga inilalabas na balita ay pinatutunayang hindi kwalipikado ang mga nakatalagang empleyado sa nasabing tanggapan ng gobyerno kaya dapat aksyunan at palitan ng mga karapat-dapat.

Huwag na sana nating hintaying makagawa pa ng mas mala­lang pagkakamali ang mga nasa PNA dahil mas matinding kahihiyan ang ihahatid nito hindi lamang sa ating mga Filipino kundi sa buong mundo.

Nakakasira ang mga ganitong sablay ng PNA hindi lang sa imahe ng ahensya kundi maging sa buong bansa.

Ang sa atin, naniniwala tayong gumagawa ng paraan ang PCO para mamodernisa ang PNA pero sana ay unahin ang mga nasa likod ng nagtatrabaho rito hindi lamang sa aspeto ng pagkakaroon ng mga makabagong teknolohiya idaan ang pagbabago.