Samu’t saring reaksyon ang lumulutang ngayon kasunod ng pagkakadiskubre sa limpak-limpak na salapi sa isa sa naging kuta ng teroristang grupong Maute sa Marawi City.

Ayon kay Lt. Col. Jo-Ar Herrera ng 1st Division ng Philippine Army, malinaw na ang mga tauhan ng Maute Terror Group ang nag-iwan ng nasabing pera na umaabot sa P52.2M cash at P27M halaga ng tseke.

Ang nasabing halaga ng pera ay natagpuan ng 37th Marine Brigade at ngayon ay nasa pangangalaga ng Joint Task Force Marawi.

Magandang balita sana ang impormasyong ito na nangyari sa kasagsagan ng operasyon kontra Maute Group.

Pero ang pagkakatunton sa nasabing halaga ng pera ay naging isyu pa ng ilan. Nariyang akusahan ang mga militar na nakatagpo sa pera na binawasan nila ito.

Na sinasabing maaring mas malaking halaga ang natagpuan pero ang nasabing halaga lamang ang idineklara at kung anu-ano pang hindi magagandang salita na ibinabato sa mga nasa likod ng operasyon.

Ang sa amin, sana lang ay isinasaalang-alang ng mga kritiko ng tropa ng gobyerno ang kalagayan ng mga ito kung saan ay hinaharap ang panganib dahil bahagi ito ng kanilang sinumpaang tungkulin.

Kaya hindi naman siguro tamang pag-isipan pa sila ng masama. Pagdudahan sa kanilang katapatan sa bayan at akusahang binawasan nila ang perang kanilang natagpuan sa isa sa safehouse ng Maute group.