Ngayong araw ng Lunes, ika-14 ng Mayo, dedesisyunan ng mga tao kung sino ang magiging lider sa kanilang barangay.

Idineklarang pista opis­yal ang araw na ito para ang lahat ay makaboto.

Sa eleksiyong ito, inaasahan na ang mahahalal na punong-barangay at mga kagawad kasama na ang mga miyembro ng Sangguniang Kabataan ay pawang mga karapat-dapat.

Katulad ng mga komiteng mayroon sa Senado at Kamara, ang mga halal na opisyal ng barangay ay mayroon ding mga komite na hahawakan tulad ng ‘peace and order, environment, disaster, health, education, sports’ at iba pa.

Kung talagang masusunod o gumagana ang mga komiteng ito sa barangay, mababawasan ang krimen. Ang iresponsableng pagtatapon ng mga basura ay maiiwasan. Kapag nagkaroon ng kalamidad o sakuna mayroon kaagad na mga tinatawag na ‘first responder’ dahil nakapagsanay ang mga tao para sa mga ‘rescue operation’.

Ang barangay ang ‘first line of defense’ ika nga. Kung mayroong insidente ng gawaing te­rorismo o anumang mga ‘sitwasyon’ bago pa makarating o makaresponde ang mga pulis at sundalo, ang mga taga-barangay ang unang sasabak kung may kasanayan at ka­handaan.

Kaya’t sa eleksiyong ito, nararapat lamang na ang mapipiling lider ng barangay ay hindi lamang puro ngawa.

***
Hindi talaga maiwasang gumalaw ang pera ‘pag may eleksiyon. Nasyonal man o lokal ang insidente nang bumibili at nagbebenta ng boto ang nangyayari pa rin.

Gumagalaw ang mga ‘financier’ at hindi malayo na ang ‘drug money’ ay bumaha rin para impluwensiyahan ang mga botante at mailagay ang kanilang mga ‘manok’.

Nakababahala ang bilang ng mga opisyal ng barangay na nasa ‘narco-list’ na ipinalabas ng Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA. Bagama’t hindi pinangalanan ang mga ‘opisyal’ na ito, salot ang mga ito sa lipunan kapag naihalal na muli.

Ang ‘all out war on drugs’ ng administrasyong Duterte ay magi­ging ‘joke lamang’ dahil nanatili pa rin sa barangay ang galamay ng sindikato ng iligal na droga.

Alam ng mga tao sa barangay kung ano ang pagkatao ng kanilang mga kasalukuyang namumuno at ang mga kumakandidato sa eleksiyong ito.

Kung nagkaroon ng ‘kudeta’ Korte Suprema, ikudeta na rin ang mga opisyal ng barangay na patong sa iligal na droga.
Huwag ipagkatiwala ang barangay sa mga taong pinatatakbo na parang robot. Kung ano ang ikumpas ni mayor, governor, congressman at maging ni senador ‘yon ang kanilang takbo.

Higit lalo sa lahat huwag iboto ang isang kandidato na patong sa ‘illegal drugs’.