Huwag ilagay sa kahihiyan ang PNP

For the record by Jeany Lacorte

Mismong ang Malacañang ang nagbigay-linaw­ na hindi pagtatakip sa kapalpakan ng Philippine National Police ang aksiyon na paglilipat ng anti-drug operations sa responsibilidad ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Paliwanag ng Palasyo sa pamamagitan ni Presi­dential Spokesman Ernesto Abella, tumugon lamang si Pangulong Rodrigo Duterte sa kasaluku­yang sitwasyon ng kampanya laban sa ilegal na droga kaya ginawa nito ang paglilipat ng kapangyarihan sa PDEA sa war on drugs.

Hindi man aminin ng Palasyo ay mukhang apektado na ang Pangulo sa mga eskandalong kinasasangkutan ng mga pulis na nagsagawa ng drug war kaya pinatabi na niya sa pamamagitan ng inilabas na executive order ang puwersa ng kapulisan sa kampanya kontra ilegal na droga.

Gayunman ay tiwala­ ang Palasyo na kayang­ gampanan ng PDEA ang responsibilidad na ibi­nigay sa kanila kahit pa maliit ang bilang ng kanilang tauhan.

Sabagay kung ikukumpara ang puwersa ng PNP sa PDEA, napakalaki talaga ng agwat dahil ang buong puwersa ng PNP ay nasa 170,000 habang ang PDEA ay mayroon lamang 2,000 tauhan.

Gayunman ay hindi­ dapat ito maliitin dahil kumpara sa PNP na maraming iniintindi at tinututukang krimen, ang PDEA ay sa usapin lamang ng ilegal na droga.

Kaya sa palagay ko ay sapat ang nasabing bilang sa pagsasagawa ng mga operasyon upang magampanan ang nakaatang na responsibilidad na pag­lipol sa illegal drugs.

Sa kabilang banda dahil inalis na sa PNP ang pangunahing responsi­bilidad sa ilegal na droga,­ hindi naman siguro ito dapat na maging rason upang bumalik sa ilegal na gawain ang ibang tauhan ng PNP, katulad ng pagprotekta sa mga nasa likod ng sindikato ng ilegal na droga.

Nakakabahala na baka sa pagtanggal ng Pangulo­ ng kapangyarihan ng PNP sa war on drugs ay siya ring pagbalik sa ilegal na gawain ng ilang tiwaling­ tauhan ng PNP na dati nang sangkot sa kalakaran ng ilegal na droga.

Huwag sana itong gawin ng mga tiwaling pulis dahil lalo lamang nilang ilalagay sa kahihiyan ang PNP.