Huwag itigil ang pag-rescue

Sa wakas ay nasagip na ng tropa ng gobyerno sa Marawi City na kubkob pa rin ng Maute ang Katolikong pari na si Fr. Teresito ‘Chito’ Suganob, kasama ang isang guro.

Ang pag-rescue kay Fr. Suganob ay ayaw pang kumpirmahin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) subalit una na itong inanunsyo ni Presidential Adviser on the Peace Process Jesus Dureza sa social media sa pamamagitan ng isang Facebook post.

Bukod sa na-rescue ay ligtas na rin ayon sa ulat si Fr. Suganob.

Good news ito sa lahat, lalo na sa Simbahang Katoliko dahil nauna nang nabalitang patay na ang pari.

Pero mas magiging good news sa lahat kung maging ang 200 pang kataong bihag ng Maute ay mailigtas din ng tropa ng gobyerno.

Kanya nga lamang, kailangan talagang maging maingat upang sa gayon ay katulad ni Fr. Suganob ay makauwi nang ligtas sa kani-kanilang bahay ang mga binihag ng teroristang grupo.

Gayunpaman ay nais nating saluduhan ang tropa ng gobyerno na nasa likod ng matagumpay ng pagkaka-rescue kay Fr. Suganob, hangad natin ang mas marami pang buhay na inyong maililigtas.