Nakaladkad ngayon ang limang senador dahil sa koneksyon sa nagsilbing middleman ng importer ng P6.4 bilyong shabu na natunton sa isang warehouse sa Valenzuela City.

Ito ay si Kenneth Dong na sa pagkakakilala ng limang senador ay lehitimong negosyante.

Si Kenneth Dong ang may-ari ng warehouse kung saan itinago ang mga nakapuslit na shabu na mula sa China sa Bureau of Customs (BOC) na ang importer ay isang Richard Tan.

Humarap sa imbestigasyon ng Senado ang nagpakilalang middleman ng importer ng shabu.

Si Dong ay may koneksyon sa limang senador na kinabibilangan nina Sen. Joel Villanueva, Sen. Risa Hontiveros, Sen. Ralph Recto, Senador Kiko Pangilinan at Sen. Miguel Zubiri.

Lumalabas na si Dong ay campaign donor nina Villanueva at Hontiveros.

Sina Pangilinan, Recto, Hontiveros at Zubiri ay mga ninong sa kasal ni Dong bukod pa sa deskripsyon ni Zubiri na ‘friend’ nito si Dong.

Kaya naman aminadong nagulat ang mga kakilalang senador ni Dong nang mabanggit ang pangalan nito sa Se­nate Blue Ribbon Committee na nag-iimbestiga sa P6.4 bilyong shabu na nakapuslit sa BOC.

Dahil gumugulong na ang imbestigasyon at kapwa hindi nila alam na ganitong lakad ang kanilang koneksyong si Dong, na­ngako ang mga senador na mag-iimbestiga sila ng patas sa kinasasangkutan nitong eskandalo.

Hindi lang ang pagiging patas ang panawagan natin sa mga kakilalang senador ni Dong kundi ang pag-inhibit na rin nila sa isinasagawang imbestigasyon.

Sa ganitong paraan ay hindi na madadagdagan ang duda sa kanila ng taumbayan.

Ang sitwasyong ito ng limang senador ay magsilbi sanang leksyon sa iba pa nating mga pulitiko upang hindi napupulaan at nasasangkot sa iregularidad ng kanilang mga kakilala.

Alam nating mahigpit ang pangangailangan sa pondo ng mga pulitiko tuwing kampanya pero hindi tamang sunggab ng sunggab na ala-Pacman sa iniaalok na pondo ng mga donors lalo na’t hindi ninyo personal na kakilala o na-background check ang inyong mga donors.

Hindi naman siguro­ kaila sa mga pulitiko na kadalasang istilo ng mga ilegalista ay dumikit sa mga pulitiko para magamit nila sa kanilang ilegal na operasyon.

Magagamit sa paraang hindi sila ligaligin o istorbohin ng mga awtoridad.

Pero tapos na ang ganyang panahon, hindi na ito kayang balewalain o kunsintihin ng taumbayan bagkus ay pagkawasak ng inyong political career ang posibleng kahantu­ngan ng inyong pagkakadikit sa mga nagpapanggap na negosyante pero ilegal naman ang lakad.

At sa mga ilegal ang lakad na mga nagpapanggap namang negosyante, hindi na uso ang ganyang style, lalo lamang kayong madidiin sa inyong ginagawa, kaya mas mabuti­ pang pumarehas na lamang kayo ng negosyo.