Uso na naman ngayon ang pagpapakalat ng text message na may kaugnayan sa kaguluhang nangyayari ngayon sa Marawi City.

Sa katunayan mismong mga residente ng Marawi City ang nabibiktima ng ­mali-maling impormasyon na ipinakakalat sa pamamagitan ng text messages.

Dahil nawalan ng supply ng kuryente, tanging sa text message na lamang umaasa ang mga residente sa kung ano ang kanilang gagawin at kung ano ang sitwasyon sa kanilang lugar.

Kaya naman dahil sa pagkalat ng kung anu-anong impormasyong hinggil sa sitwasyon sa Marawi ay hindi maiwasang may mga apektadong residente ang naniniwala sa ipinakakalat na text, lalo na’t wala silang ibang impormasyong ­natatanggap dahil walang kuryente sa kanilang mga lugar.

Bunsod nito ay wala silang marinig na abiso ng gobyerno patungkol sa sitwasyon kaya tanging ang mga ipinapakalat na text message o sa social ­media ang kanilang ginagawang basehan.

Kaya sana sa mga hindi apektado ng kaguluhan ay huwag na tayong dumagdag sa ligalig na hatid ng teroristang grupong Maute.

Huwag na tayong pumatol sa mga hindi beripikadong mga impormasyon o babalang ipinakalalat sa pamamagitan ng text messages at sa ­social ­media.

Higit sa lahat ay huwag nating hayaan ang ating mga sarili na maging instrumento ng pagpapa­kalat ng mali-maling impormasyon dahil bahagi ito ng taktika ng mga terorista upang ipakita ang tagumpay­ ng kanilang puwersa.

***

Speaking of hindi beripikadong impormasyon hindi ganito ang nilalaman ng Politiko365 magazine na inilunsad kahapon kung saan ay ilang promi­nenteng mga pulitiko ang dumalo sa pangu­nguna ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

Punumpuno ito ng mga detalye hinggil sa mga pulitiko sa ating bansa. Malaman ang Politiko maga­zine dahil dito mababasa ang mga impormas­yong sinaliksik nang mabuti ng mga nasa likod ng magazine.

Ayon nga sa mga nasa likod ng magazine kapag simpleng pulitiko ka ay hindi ka pasok sa nasabing napapanahong magazine.

Dahil nilalaman ng magazine na ito ang pinakamahihirap at pinakamayayamang mga pulitiko sa bansa.

Mababasa rin sa magazine kung sino ang mga pulitikong gumastos nang bongga sa nakaraang ­halalan at nakatipid at marami pang mga interesanteng mga paksa.

Sa mga nasa likod ng Politiko365 magazine, hangad ko ang mas marami pa ninyong anibersaryo at paglilimbag ng mas maraming kopya sa hinaharap.