Huwag matakot, huwag mangamba!

Ngayong Ikalimang Linggo ng Muling Pagkabuhay, pinatatatag ang ating loob sa gitna ng krisis na hinaharap. Sa Ebanghelyo (Jn 14: 1-14) malinaw ang mga salitang binitiwan ni Hesus na tunay na nakapagpapalakas ng loob lalo na sa mga humaharap sa matinding kasiphayuan sa kasalukuyang pandemya: “Huwag kayong mabalisa; manalig kayo sa Diyos at manalig din kayo sa akin!” diin ng Panginoon.

Saad ni Bishop Teodoro C. Bacani Jr. DD, “The Gospel for the Fifth Sunday of Easter speaks directly to our time, which are troubled times we live in!” Walang anuman tayong dapat ipangamba ani Bishop Ted. Hindi naman ipinangako ni Kristo na magiging madali ang buhay ng kanyang mga tagasunod: “His words are an assurance that whatever befalls us will ultimately turn to our good if we have faith.”

Matatandaan, ang eksena ay nangyari sa gabi ng pamamaalam ni Hesus sa Kanyang mga alagad. Isiniwalat ni Hesus sa mga disipulo: “Ako and daan, ang katotohanan, at ang buhay!” Sinabi niya ito upang ihanda at panatilihin ang mga tagasunod sa darating na pagsubok, sa nakaantabang Kalbaryo na Kanyang haharapin. Malinaw ang mensahe ni Hesus sa tanan – ang pananalig ay nangangahulugang pagtitiwala sa Kanya.

Dagdag na paliwanag ni Bacani, “The faith that our Lord asks of us is not only ‘belief’ but also and especially ‘trust’ in him. For he himself set the example for us by completely trusting in his Father.” Nagtiwala raw si Kristo sa kanyang Ama, hanggang sa kahuli-hulihan. ‘Di ba’t dapat nating sundan ang halimbawa ni Hesus, lalo na ngayong panahon ng kapighatiang dulot ng pumapatay na virus?

Sa panahon ngayon, ang tiwala sa mga salita at pangako ni Hesus ay maipapakita natin, higit sa lahat sa lubos na pagsuko ng ating sarili at kinabukasan sa Kanya bilang ating Manunubos! Walang anumang dapat ipangamba dahil muling nabuhay nga at nagwagi sa kasalanan at kamatayan ang Panginoon. Diin ni Bishop Bacani, “Our trust is shown best when things seem to go from bad to worse for us!”

Upang patatagin tayo sa gitna ng pangangapa sa dilim, sa harap ng ‘di nakikitang kalaban, upang panalitilihin tayo sa pananampalataya, binigyang diin ni Hesus na Siya ang Daan. Sapagkat ang lubos na pananalig lamang ang magpapanatili sa atin sa Kanya. Katulad ng mga alagad, inihanda tayo ni Hesus upang matanto na Siya ang ating tunay na hantungan. Ito ang turo ng bagong Bishop-Cardinal ng Vatican, Luis Cardinal Antonio Tagle, DD.

Ani Tagle, dumating na si Hesus, ang ating Daan – hindi na tayo naliligaw. Kailangan lang nating tanggapin na sa Kanya tayo nabubuhay. Siya’y nananahan sa atin at tayo, sa Kanya! Malinaw ang paanyaya ni Hesus sa Kanyang mga alagad – kung dudulog tayo sa Kanya, makikilala natin ang Ama. Hindi na tayo tuliro at nangangapa sa dilim, sapagkat dumating na sa ating buhay ang Katotoha n- batid na natin ang kasagutan sa ating mga katanungan!

Sa huli, kung tatanggapin lang natin na si HesuKristo ang totoo nating Buhay, magkakaroon at makakamit natin ang kapayapaan sa ating puso, ngayon pa lamang! Sa gitna ng COVID-19, wala nang takot sa ating dibdib, wala nang pangamba sa ating puso sapagkat nasa panig natin ang Poon na muling nabuhay, ang nagwagi sa kamatayan!

Ang Ebanghelyo ngayong Linggo, samakatuwid, ay hamon at paanyaya sa atin na manatili tayo sa pananalig kay Hesus, mamalagi ang ating pag-asa at tiwala sa Kanya, sa gitna ng matinding pinagdaraanan ngayon ng mundo, upang maibahagi si HesuKristo sa iba, nang matanggap din nila ang Daan, Katotohanan at Buhay!