Huwag paasahin ang tao

Break a leg by Benjie Alejandro

Palakpak ang tenga ng mga mambabatas na nagsulong para magkaroon ng Universal Health Care ang lahat ng Filipino matapos lumusot sa Bicam ang panukalang batas.

Kapag nilagdaan na ng Pangulo, mayaman at mahirap, kapwa makikinabang.

‘Yan ang batas, para sa lahat.

Napakaganda ng batas. Lahat ng Pilipino ay hindi na mapagkakaitan ng serbisyong-medikal lalo na sa panahong ito na ‘bawal magpaospital’ dahil sobra ang mahal ng bayarin.

Ang lahat sinisingil ng mga hospital. Ultimong kaliit-liitang bulak pinababayaran sa mga pasyente.

Ang batas na ito, kung tunay na maipa­tutupad at hindi mala­lagay sa ‘archives’ tulad ng mga naunang magandang batas ay malaking bagay sa lahat ng Pilipino lalo na sa mga mahihirap.

Mayroon ng ‘medical access’ ang lahat sa oras ng pangangaila­ngan.

***

Sa nakalusot na Universal Health Care bill ang lahat ng mga Pilipino ay agad makatatanggap ng tinawag na ‘immediate eligibility’ sa panga­ngailangang-medikal.

Katulad sa mauunlad na bansa ang inaprobahang panukalang batas ay kinapapalooban ng ‘preventive, promotive, curative at rehabilitative health care.’ Kasama rin ang tinatawag na ‘palliative care dental, mental at emergency services.’

Ang Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth ang inatasang magpatupad ng batas. Sa u­nang taon, gagastos ang gobyerno ng P257 bilyon.

Para hindi maubusan ng pondo, tataasan ang ‘premium contribution’ ng mga miyembro. Popondohan din ang programa mula sa ‘Sin Tax,’ taunang ‘budget’ ng Department of Health, ganon na din mula sa kita ng PCSO at PAGCOR.
***

Huwag sanang maudlot ang progra­mang ito, dahil nagamit sa ‘pogi points’ ng mga politiko. Kalusugan ng mga Pilipino ang nakataya at hindi dapat paglaruan.

Malaking halaga ang kailangan sa prog­ramang ito. Malaking kasalanan na inumpisahan ang programa dahil lamang sa kapritso ng mga politiko.

Kung hindi rin ‘masu-sustain,’ huwag nang ituloy dahil paasahin lamang ang mga tao, lalo na ang mga mahihirap at mga nakatatanda.

Huwag paasahin ang mga tao.

Kung ang ‘supply’ ng murang bigas ay hindi mapanatili ng gobyerno para sa mga mahihirap, kung ang murang gamot ay hindi mabili ng lahat, ito pa kayang libreng ospitalisasyon sa ilalim ng Universal Health Care System?