Huwag pabayaan ang mata

Nagising ka na ba sa umaga na halos wala kang makita, may parang nakatalukbong na itim na kurtina sa harap ng iyong mata, may lumulutang sa paningin o talagang wala ka nang makita?

Baka may retinopathy ka na, lalo na kung may sakit kang diabetes o hypertension/high blood pressure. Ang reti­nopathy ay nangyayari kapag ang ugat sa re­tina (ng mata) ay nasisira dahil sa sob­rang taas ng blood sugar o presyon ng dugo. Ang problema, wala itong sintomas na tulad ng pananakit ng ulo o pagkahilo. Basta’t darating na lang ang isang araw na may problema ka na sa paningin.

Ayon kay Dr. Noel Jusay Lacsamana, ophthalmologist-surgeon (text: 0920.909.9937), ang retina ay isang tissue layer sa likod ng mata. Ito ang nagta-transform ng ilaw para maging nerve signals at ipinapadala sa utak para sabihin ng utak kung ano ang nakikita ng mata. Ito ang dahilan kaya’t nakikita natin ang lahat ng detalye – mula sa kulay, hubog at kaanyuan.

Sinabi ni Dr. Lacsamana na ang mata ay may ma­liliit na blood vessels at madaling ma-damage ang lumen o internal lining ng mata. Kapag na-damage, naaapektuhan ang pagdaloy ng dugo na may dalang oxygen at nutrients. “Kapag ito ay ‘di nakakarating doon, nata-traffic, kasi nagbabara ang maliliit na blood vessels, ang sasabihin ng mata: Kailangan ko ng dagdag na oxygen at nutrients. So, maglalabas ng angiogenic factors, and this could initiate the formation of new blood vessels. But these new vessels are abnormal.”

Ang problema sa mga bagong blood vessels na ito, dahil abnormal, madali rin silang pumutok. Dahil diyan, nagkakaroon ng parang harang sa paningin o maaaring biglang mawala ang paningin ng isang tao.

Kapag hindi agad napatingnan at napagamot sa ophthalmologist bukod sa hindi nakokontrol ang blood sugar at blood pressure, maaaring mauwi sa paghiwalay ng retina sa mata o pagkabulag.

Maaari ring magsanhi ito ng glaucoma o pagbabara sa daluyan ng luha.

Masakit ito dahil sa ocular pressure at maaari ring magsanhi ng pagkabulag.

Ipinayo ni Dr. Lacsamana na magpa-funduscopy para ma-check ang mga ugat ng mata at magpa-perimetry at visual field test. Isasailalim din sa B-scan ultrasonography ang mata. Kapag nakitang may nagbarang mga ugat o may pumutok na ugat, agad na isinasailalim ito sa PRP o Pan Retinal Photocoagulation Laser. Sa International Eye Center ni Dr. Lacsamana sa Robinsons Star Mills, San Fernando, Pampanga, hindi na magpapabalik-balik pa ang pasyente dahil nandoon lahat ang mga gagamitin sa pag-checkup ng mga mata at ang laser niya ay top of the line na. Isang special laser ang ginagamit ni Dr. Lacsamana para maselyuhan niya ang retina at maiwasang mabuo ang mga bago at abnormal na blood vessel.

Pero kapag grabe na ang pagkasira ng ugat ng mga mata at namamaga ang macula, baka kailanganin na itong iniksyunan ng antivascular endothelial growth factor drugs o ANTIVEGF.

Kaya alagaan ang mga mata. Mahirap ang walang nakikita.