SEXY actress na nakaraket pa sa isang teleserye, ayaw ng fight scene.
Hindi siya katandaan. In fact, sexy body pa rin siya at putok na putok pa ang face niya.
Bold na bold siya noong unang mapanood. As in nakabihadhad ang namumukadkad niyang alindog.
Pero tunay na actress ang bilat. Ini-level niya ang kanyang galing sa mga serious actress. Napagtagumpayan niya ‘yon. Nakasama niya ang mga batikang artista sa local showbiz. Na-recognize pa ang galing niya ng isang award-giving body. Nagbida siya sa isang teleserye.
Controversial ang relasyon nila noon ng BF niyang taga-showbiz din. Away-bati kasi sila lagi.
Nawala siya sa eksena. Nang bumalik, hindi na siya makilala ng mga taga-showbiz.
Ibang-iba na ang kanyang face.
Dahil magaling na aktres, naisali siya sa panghapong drama series.
May isang eksena siyang kinatatakutan… ang sampalan. Nalaman ni ate na meron siyang ganu’ng eksena.
Nakiusap siya kay direk na sana, walang ganu’n. Sagot ni direk, hindi pwede.
‘Yun na ang kukunan.
Kabado si ate. Praktis. Throw line. Blocking.
Eto na… sasampal-sampalin na siya.
ACTION!
Tili si ate, “HUWAG POOOO!!!”
“CUT!” tili ni direk, na agad tinalakan si ate ng masasakit na salita.
Tameme si ate, kaya si sigaw ni direk, “ACTION!”
Eto na naman si ate sa kanyang “Huwag po! Huwag po!’ moment.
Take 6, hindi pa makunan ang importanteng sampalan.
Ubos na ang pasensya ni direk. Pati EP, pinagalitan si ate.
Paliwanag ni ate habang lumuluha, hindi talaga siya puwedeng magpasampal nang mga sandaling iyon.
Bagong gawa ang pisngi niya, pati ang kanyang noo, bibig nguso at tenga.
As in ang buong mukha, kareretoke pa lang.
Wagas ang pag-iyak ni ate.
Naawa si direk. Dinobolan na lang si ate sa eksena.