Huwag tayo pakampante sa MECQ – Isko

Hindi umano dapat na maging kampante ang mga Manilenyo,kasunod ng paglagay sa modified enhanced community quarantine (MECQ) sa National Capital Region, ayon kay Mayor Francisco ‘Isko Moreno’ Domagoso.

Ayon sa alkalde, bago mag-Mayo 15 ay maglalabas ito ng guideline para sa pagpapatupad ng MECQ.

Nanawagan rin si Moreno sa Manilenyo na huwag gawing dahilan ang pagbaba sa modified ECQ ng lungsod para ipagwalang bahala ang lahat ng pag-iingat kontra sa COVID-19.

Sa kanyang public address, sinabi ni Moreno na kailangan na dapat na mas maging maingat dahil sa inaasahang pagtaas pa ng bilang ng kaso COVID-19 kapag nagsimula na ang modified ECQ.

“Ang epekto po niyan ay unti-unti nang magbubukas ang mga negosyo sa lungsod which is good for our city dahil I don’t want you to be afraid or scared… Totoo nakamamatay ang COVID-19 pero may pag-asa. I don’t like hibernaton, I don’t like stagnation.. .We must move on, confront and face this challenge,” ayon kay Moreno.

“Habang balik na unti-unti ang mga negosyo at trabaho, ang COVID-19 ay andiyan lang sa beta-beta (tabi-tabi) kaya kailangan nating mag-ingat,” pagdidiin pa ni Moreno

Sinabi ni Moreno na base sa Department of Health na higit 12 porsyento ng asymptomatic cases sa kanilang talaan ay mula sa Manila.

“Ibig sabihin, mukhang malakas, mukang normal pero carrier na pala ng COVID-19. Kailangan pala talaga na tayo ay patuloy na maging maingat at sundin ang mga simple na kayang gawin gaya ng paghuhugas palagi ng mga kamay, pagsusuot ng face mask, pagkakaroon ng physical distancing at pananatili sa loob ng bahay kung hindi rin lamang lubhang importante na tayo ay nasa labas ng bahay,” ayon sa alkalde.

Base sa huling tala ng Manila Health Depertment noong Mayo 12, nadagdagan pa ng 20 ang nagpositibo sa COVID-19 kaya umabot na sa 700 ang kumpirmadong kaso sa lungsod. (Juliet de Loza-Cudia)