Iangat ang galing kahit may quarantine – Yulo

Payo ni 2021 Tokyo Olympics-bound Carlos Edriel ‘Caloy’ Yulo sa mga kapwa niya atleta at kahit hindi manlalaro na palaging maging kondisyion at handa sa panahon ng quarantine period.

Nailipat ng petsa ang 32nd Summer Games sa papasok na taon mula sa parating na Hulyo dahil sa pamiminsala ng COVID-19 pandemic. Pero sinamantala ni 2019 world men’s floor exercise champion Pinoy gymnast na gamitin ang mahabang panahon upang mas maging kondisyon sa matiyagang pag-eensayo sa Japan.

“Be in good shape, be healthy and find ways how to improve yourself in this situation,” pahayag ng 20-anyos, may taas na 4-11 at tubong Ermita, Maynila na national athlete na nasa ilalim ng pangangalaga ng Gymnastics Association of the Philippines (GAP) at Philippine Sports Commission (PSC).

Nais ng 2019 Southeast Asian Games gold medalist na ma-perfect ang mga routine kung saan siya may kahinaan upang makamit ang inaasam na unang Olympic gold ng mga Pinoy sa quadrennial sportsfest sapul pa noong 1924.

“I need to polish my movement, sa mga bagay na mahina ako,” panapos na wika ni Yulo na malaki ang pasasalamat sa PSC sa pamumuno ni chairman William “Butch” Ramirez. (Elech Dawa)