IATF humingi ng pasensya sa nagdusang mga commuter

Humingi ng pang-unawa ang mga opisyal ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases sa naranasang hirap sa pagsakay ng mga commuter sa unang araw ng implementasyon ng general community quarantine sa Metro Manila.

Sinabi ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Eduardo Año na mahirap biglain ang pagdami ng tao sa mga lansangan dahil sa panganib na baka bumalik sa enhanced community quarantine.

Nakiusap si Año sa publiko na sana ay maintindihan sila kung bakit limitadong mga sasakyan lamang ang pinayagang makabiyahe sa mga kalsada ngayong nasa GCQ na ang Meto Manila.

“Kaunting pasensiya lang. Mahirap naman kasi kung bibiglain tapos babalik na naman tayo sa ECQ, eh mas lalo pong hindi tayo makakausad,” ani Año.

Nagrereklamo ang mga maagang lumabas sa kalsada para pumasok sa trabaho dahil hindi agad nakasakay sa LRT at MRT dahil limitado lamang ang pinapayagang kapasidad para masunod ang ipinaiiral na social distancing.

Pero tiniyak ni Año sa publiko na sa June 21 ay madadagdagan na ang mga sasakyan sa mga lansangan para sa mga commuter.

“Kaunting pakiusap at pang-unawa sa ating publiko at malalampasan din naman natin ito. Maganda nga pong nakarating tayonsa GCQ, sana ay huwag na tayong bumalik sa ECQ or modified ECQ,” dagdag pa ni Año.

Dahil maraming na-stranded na commuters nitong Lunes ng umaga, agad na iniutos ni Pangulo Rodrigo Duterte na magbigay ng libreng sakay gamit ang mga bus ng ilang ahensiya ng gobyerno.(Aileen Taliping)