IATF ilalabas mga nabigyan ng cash aid

Handang isapubliko ng gobyerno ang listahan ng mga na nabigyan ng tulong -pinansiyal ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), partikular ang social amelioration program.

Sa ganitong paraan ay maiwasan ang mga pagdududa kung saan napunta ang pondong ibinigay ng gobyerno para sa 18 milyong Pilipino.

Sinabi ni Secretary to the Cabinet Karlo Nograles, na nais nilang ipakita sa taumbayan na transparent ang gobyerno sa mga ipinapalabas na pondo.

“Yeah, as stransparent as can be, we are all for it,” ani Nograles.

Kilala aniya si Pangulong Duterte na pagdating sa pera ay dapat walang masayang kahit isang sentimo at kailangan ay mapakinabangan ng lahat ng Pilipino.

Inihahanda na aniya ng IATF ang ikalawang report ni Pangulong Rodrigo Duterte sa Kongreso kaugnay sa mga nagawa at nagastos ng gobyerno na may kinalaman sa paglaban sa coronavirus disease -2019.

Lahat aniya ng nagastos sa loob ng isang linggo ay idedetalye sa report na isusumite ng Pangulo sa Lunes.

“Kino-collate na po naming lahat ang accomplishments at expenses ng different agencies and departments of government especially with regard to COVID -19.Saturday ang collection and then ibubuo iyong report, the President’s report to Congress,” dagdag no Nograles.(Aileen Taliping)