Maaring pagbigyan ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang mungkahi ng isang Philippine Basketball Association (PBA) team owner na buksan ang sports facilities at gyms kapag ibinaba na ang enhanced community quarantine (ECQ) sa medyo maluwag na general community quarantine (GCQ) sa Metro Manila.
Pinanawagan kamakalawa ni Blackwater Elite owner Dioceldo Sy sa pamahalaan ang kahalagahan ng pagpapalakas ng katawan sa oras ng krisis sa kalusugan na dinaranas ng mundo gaya na rin ng sinasabi ng Department of Health (DoH), at ang pag-open sa mga pasilidad aniya ang isang kasagutan.
Sa ilalim ng ECQ at GCQ parehong binabawal pa rin ng gobyerno ang operasyon sa mga nabanggit na lugar.
Nangungulit na rin sa DILG na kagaya ng DoH kabilang sa Inter-Agency Task Force (IATF) on Emerging Infectious Disease (EID), ang ilang sports katulad ng badminton, tennis, golf at zumba para makakilos na kapag-nag-GCQ na.
“Sa next meeting ng IATF iyung sports na merong physical distancing na o-observe siya, pag-uusapan namin bago mag-GCQ malamang i-a-allow namin,” komento ni DILG Secrtetary Eduardo Año kahapon.
Kinuwestiyon pa ni Sy ang pagpayag na ng IATF sa shooting ng mga movie at TV show na aniya’y mas marami pang sangkot na m ga tao kaysa sa practice ng isang basketball team. (RC)