Kaye Dacer
Huwag dapat tantanan ang pag-iimbestiga sa mga sangkot sa paglustay sa pondo ng PhilHealth sa ‘ghost dialysis’.
Kailangang panagutin ang lahat ng sangkot kabilang ang mga kasapakat ng mga dialysis center na mga tauhan at opisyales ng PhilHealth.
Nakakalungkot ang kalokohang ito sa PhilHealth dahil hindi lang ang gobyerno ang nabiktima kundi maging ang mga patay na kinakasangkapan para makapangolekta gamit ang kanilang modus.
Kaakibat ng pasabog na ito sa PhilHealth ay baka maaari ring imbestigahang mabuti ang iba pang transaksyon sa tanggapang ito dahil sa impormasyong ating nakalap na bahagi lamang ito ng birahan ng mga namamayagpag na grupo sa loob ng ahensiya.
Mas marami pa raw kalokohan sa opisinang ito na matagal nang nangyayari pero nananatiling tikom ang bibig ng ilan dahil sila-sila ay nakikinabang.
Umaasa tayong may kahantungan ang mga isinasagawang imbestigasyon upang sa gayon ay magkaroon naman ng hustisya ang walang pakundangang paglustay ng bilyon-bilyong piso para sa kapakanan ng isang opisyal.
Sabagay nga naman, napakaraming benepisyo ang kino-kober ng PhilHealth pero nakalulungkot na hindi lahat ng benepisyaryo ay ini-enjoy ang pakinabang dahil sa napakaraming rekisitos na hinihingi ng mga taga-PhilHealth pero ang katotohanan pala ay nagagamit nila sa kalokohan ang pondong dapat ay napapakinabangan ng mga miyembro.
Sa mga miyembro ng PhilHealth ipaglaban natin ang ating karapatan sa mga benepisyong dapat ay tinatamasa natin.
Huwag nating hayaang manaig ang mga galamay ng sindikato gamit ang pondo ng pamahalaan na dapat ay para sa atin.