Tatlong (3) buwan makaraang iupo bilang pinakamakapangyarihang nilalang sa Senado, hindi maitatangging ipinamalas ni Senate Presidente Aquilino ‘Koko’ Pimentel III ang husay nito; walang dudang karapat-dapat kaysa ibang nag-aambisyon.
Ipinakita ng batang Pimentel ang kanyang husay hindi bilang anak ni dating Senate President Aquilino ‘Nene’ Pimentel Jr., kundi isang tunay na lider; may angking-talento at talino sa pagtimbang ng bawat isyu at sitwasyon. At tunay ngang ‘hindi mamumunga ng santol ang mangga’ dahil ‘di nalalayo ang mag-ama, magkaiba man ang pinagdaanan at ‘pagkakahinog’ pero iisa pa rin ang lasa.
Balikan ang mga kaganapan sa nagdaang tatlong (3) buwan; simula sa botohan ng Senate President; partehan ng committee chairmanship; pag-handle sa isyu ni Senador Leila de Lima; maging sa ‘sikohan’ at ‘patayan’ ng microphone nina Senador Sonny Trillanes at Alan Cayetano–naging balanse si Koko.
Maaring meron konting alingasngas at reklamo ang ilang kasamahan—ito’y normal sa isang bahay; hindi lahat sumasang-ayon sa gustong mangyari ng kanilang ama subalit wala rin magagawa dahil mayorya ang nasusunod at numero ang pinapakinggan -isang pamamaraan sa umiiral na demokrasya.
Nang maupong Senate President, malinaw ang kwento ng ilang miyembro ng majority bloc; walang kondisyong hiningi si Pimentel sa bawat partehan ng upuan o chairmanship; hindi isinasangkalan ang pangalan ni Pangulong Rodrigo Duterte para makuha ang suporta ng karamihan.
Mismong sina Senador Tito Sotto at Ping Lacson, inaming diretsong kausap si Pimentel; walang paligoy-ligoy sa kuwento; hindi ‘kumakahol’ kapag hindi nasunod ang kumpas ng Malacañang, hindi katulad ng iilang kasamahan na kulang na lamang ‘mangagat’.
Walang masamang tinapay kay Pimentel sa loob at labas ng Upper House; sinong mag-akalang napatawad ang mga utak ng pandaraya at ngayo’y kasama pa sa mayorya si Senador Migz Zubiri na nakinabang sa “Hello Garci” ni Gloria.
Sakabilang banda, hindi naman kasalanan ni Zubiri kung nanalo sa pandaraya ni Gloria dahil nagkataong si Pimentel ang nasa hulihan at hindi naman pwedeng i-operate ang No. 1. Ang naging kasalanan lamang ni Zubiri, inabot ng anim (6) bago nag-resign.
Mahigit isang taon na lamang natirang termino kay Pimentel at sino nga naman matutuwa kay Zubiri pero naging maayos ang lahat; nagawang patawarin ang kaibigan at mas binigyang-halaga ang interes ng Mindanao.
Maaring nanalo ngang senador si Koko dahil sa magandang itinanim ng ama bilang mambabatas at tagapagtanggol ng karapatan subalit hindi pwedeng sabihing naupo bilang Senate President dahil pa rin sa magulang—ito’y desisyon ng mayorya at wala naman kapangyarihan si Tatay Nene para kumpasan ang botohan. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”
***
(Twitter: follow@dspyrey)