Walang Kawhi Leonard ang Toronto Raptors, pero meron pa silang Serge Ibaka at Kyle Lowry na nagsabwatan para ilampaso ang dinayong Los Angeles Clippers 123-99 Martes ng gabi.
Tumapos si Ibaka ng 25 points at 9 rebounds, nagdagdag si Lowry ng 21 points. Apat sa 14 3-pointers ng Toronto ay nilista ni Lowry.
Out si Leonard dahil sa nananakit na kanang balakang na nakuha kontra Milwaukee noong Linggo. Day-to-day ang leading scorer ng Raptors na naga-average ng 26.1 points at 8.3 rebounds.
Hindi pa sigurado kung makakalaro si Leonard sa paglusob ng Raptors sa Oracle Arena ngayong araw para hamunin ang Golden State Warriors sa posibleng preview ng susunod na NBA Finals. Pinakamaangas sa Eastern Conference sa kasalukuyan ang Toronto.
Natikman ng Clippers ang pinakamalaking tambakang talo ngayong season laban sa best team (22-7) ng NBA.
Namigay ng 34 assists ang Raptors at na-outscore ang Clippers 28-4 sa fastbreak points.
Naglista ng career-high 14 assists si Fred VanVleet na humalili sa puwesto ni Leonard.
Ang leading scorer ng Clippers na si Tobias Harris ay nalimitahan lang sa 10 points – kalahati ng kanyang 21.4 average. Ang reserves na sina Roban Marjanovic (18 points) at Tyrone Wallace (15) ang namuno sa LA.